Abstrak
Nilalayon ng pag-aaral na ito na makabuo ng mungkahing gabay sa pagsasaling-wika na magsisilbing batayan ng estandardisadong salin ng mga katawagang pampamantasan sa Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST).
Ginamit ang content analysis upang matukoy ang mga umiiral na pamamaraan at pattern ng pagsasalin sa mga dokumentong institusyonal ng Pamantasan. Sinuri ang mga salin batay sa leksikal na elaborasyon nina Santiago at De Castro, at ginabayan ng Skopos Theory ni Vermeer (1978) at Descriptive Translation Studies (DTS).
Natuklasan sa pagsusuri na may kakulangan sa kaisahan ng mga salin, kabilang ang pagkakaroon ng maraming bersiyon ng isang termino, maling baybay, at labis na pagsandig sa panghihiram sa ibang wika at reispeling. Batay sa mga natuklasan, binuo ang mungkahing gabay na nakaugat sa tuntunin ng Ortograpiyang Filipino at ipinabalido sa mga guro ng wika sa NEUST. Inaasahang makatutulong ang nabuong gabay sa pagpapaigting ng estandardisasyon at intelektuwalisasyon ng wikang Filipino sa kontekstong akademiko.
Mga Susing Salita: pagsasaling-wika, estandardisasyon, katawagang pampamantasan, Ortograpiyang Filipino, Skopos Theory
https://doi.org/10.65494/pinagpalapublishing.125