World Education Connect Multidisciplinary e-Publication, Vol. VI, Issue I (January 2026), pp.295-311
PAGGAMIT NG TEKNOLOHIYA AT PAG-UNLAD NG KATUTUBONG KULTURA
GIEMA JOY J. SUBADE
Local School Board Teacher, Pughanan Integrated School
World Education Connect Multidisciplinary e-Publication, Vol. VI, Issue I (January 2026), pp.295-311
GIEMA JOY J. SUBADE
Local School Board Teacher, Pughanan Integrated School
Introduksyon
Ang teknolohiya ay tumutukoy sa mga proseso, kasangkapan, at kaalaman na ginagamit ng tao upang magawa ang partikular na layunin, mula sa simpleng kagamitan hanggang sa komplikadong sistema. Ayon kay Carroll (2019), ang teknolohiya ay isang likha ng tao na dinisenyo upang tumulong sa mga gawain at pagpapabuti ng kalidad ng buhay. Binibigyang-diin nito ang kaalaman sa paglikha at paggamit ng mga kasangkapan para sa iba't ibang aspeto ng pamumuhay.
Sa kabilang banda, ang konsepto ng pag-unald ng kultura ay tinalakay sa iba't ibang mga akademikong babasahin na naglalarawan ng impluwensiya ng modernisasyon, teknolohiya, at globalisasyon sa mga pagpapahalaga at gawi ng lipunan. Ang ganitong pagbabago sa wika ay naglalarawan ng mas malalim na pagbabago sa kulturang identidad, lalung-lalo na sa mga kabataan (Espinosa, 2019). Bukod pa rito, ipinakita rin ng ibang mga pag-aaral na ang pagbabago at pag-unald ng kultura ay madalas na pinapalakas ng mga digital na interaksyon, kung saan ang mga platform tulad ng Facebook ay nagiging espasyo para sa pagpapahayag ng kultura at pati na rin sa pag-negosasyon ng mga tradisyon at paniniwala, na apektado ng global at lokal na konteksto (Marbella & Estera, 2021).
Ang teknolohiya ay nagiging sentro ng mga pagbabago sa lipunan at pag-unald ng kultuta. Ang mga makabagong teknolohiya tulad ng Internet of Things, artificial intelligence, at mga mobile device ay hindi lamang nagbabago ng paraan ng komunikasyon, kundi pati na rin ng kalakalan, edukasyon, at iba pang aspeto ng pang-araw-araw na buhay.
Sa ganitong konteksto, ang mga digital na teknolohiya ay nagiging tagapagpalaganap ng ideya at impormasyon na nagbubura sa mga hangganan ng mga bansa, na nagreresulta sa mas malawak na interkoneksyon ng mga kultura at ekonomiya. Ang pag-unlad ng teknolohiya ay may kaugnayan sa pag-unald ng kultura. Binibigyang-daan nito ang mabilis na pagpapalaganap ng impormasyon, ngunit nagdudulot din ito ng pagbabago sa mga lokal na tradisyon.
Habang may malawak na literatura tungkol sa epekto ng teknolohiya sa globalisasyon, limitado pa rin ang pag-aaral na sumisiyasat sa mas espesipikong epekto nito sa mga lokal na kultura, lalo na sa konteksto ng mga bansang umuunlad tulad ng Pilipinas. Marami ring tanong ang hindi pa nasasagot tungkol sa kung paano maaaring magtagumpay ang mga lokal na tradisyon sa gitna ng mabilis na digital na pagbabago. Ang gap na ito ang magbibigay-daan upang higit pang maunawaan ang dinamika sa pagitan ng teknolohiya, kultura, at globalisasyon.
Ang pananaliksik na ito ay naglalayong tiyakin ang lawak ng paggamit ng teknolohiya ng mga Katutubong mag-aaral ng Pughanan Integrated School, Brgy. Pughanan Lambunao, Iloilo sa taong panuruan 2024-2025. Titingnan din sa pag-aaral na ito ang mga pag-unlad sa kultura na dulot ng paggamit ng teknolohiya.
Nilalayon nitong sagutan ang mga sumusunod na tanong:
1. Ano ang propayl ng mga tagatugon batay sa kasarian, antas ng edukasyon ng ina, trabaho ng ina, buwanang kita ng pamilya, at gadget na ginagamit?
2. Ano ang lawak ng paggamit ng teknolohiya ng mga mag-aaral sa kabuuan at kung ipapangkat ayon sa kasarian, antas ng edukasyon ng ina, trabaho ng ina, buwanang kita ng pamilya, at gadget na ginagamit?
3. Ano ang antas ng pag-unlad ng katutubong kultura batay sa pagtaya ng mga tagatugon sa kabuuan at kung ipapangkat ayon sa kasarian, antas ng edukasyon ng ina, trabaho ng ina, buwanang kita ng pamilya, at gadget na ginagamit?
4. Mayroon bang makabuluhang pagkakaiba sa lawak ng paggamit ng teknolohiya ng mga magaaral kung ipapangkat ayon sa kasarian, antas ng edukasyon ng ina, trabaho ng ina, buwanang kita ng pamilya, at gadget na ginagamit?
5. Mayroon bang makabuluhang pagkakaiba sa antas ng pag-unlad ng katutubong kultura batay sa pagtaya ng tagatugon kung ipapangkat ayon sa kasarian, antas ng edukasyon ng ina, trabaho ng ina, buwanang kita ng pamilya, at gadget na ginagamit?
6. Mayroon bang makabuluhang kaugnayan sa paggamit ng teknolohiya at pag-unlad ng katutubong kultura?
Ang pag-aaral na ito ay mahalaga sa iba’t ibang sektor sapagkat nagbibigay ito ng mahahalagang pananaw sa balanseng integrasyon ng teknolohiya at pagpreserba ng katutubong kultura sa edukasyon. Makatutulong ito sa Kagawaran ng Edukasyon at mga pinuno ng paaralan sa pagbuo ng mga patakaran, programa, at kurikulum na culturally responsive; magsisilbing gabay sa mga guro sa makabuluhang paggamit ng teknolohiya na may paggalang sa kultural na identidad ng mga mag-aaral; at makatutulong sa mga mag-aaral at magulang sa pagpapalalim ng kamalayan at pagpapahalaga sa katutubong kultura sa gitna ng modernisasyon. Higit pa rito, magsisilbi itong mahalagang batayan at panimulang literatura para sa mga kasalukuyan at hinaharap na mananaliksik na nagnanais pag-aralan ang ugnayan ng teknolohiya, edukasyon, at kultura, lalo na sa konteksto ng mga katutubong pamayanan at IP learners sa digital age.