ABSTRAK
Ang pananaliksik na ito ay naglalayong tukuyin ang lawak ng paggamit ng teknolohiya ng mga mag-aaral at ang kaugnayan nito sa antas ng pag-unlad ng katutubong kultura. Tinutukoy rin dito ang pagkakaiba ng mga baryabol ayon sa kasarian, antas ng edukasyon ng ina, buwanang kita ng pamilya, at uri ng gadget na ginagamit. Isinagawa ang pag-aaral sa Pughanan Integrated School, Lambunao, Iloilo sa Taong Panuruan, 2024-2025. Ito ay nilahukan ng 169 katutubong mag-aaral na napili sa pamamagitan ng purposive sampling. Gumamit ang mananaliksik ng deskriptibo-korelasyonal na disenyo at gumamit talatanungan upang makalap ang datos. Ang mga datos ay sinuri gamit ang mean, standard deviation, Mann-Whitney U test, Kruskal-Wallis H test, at Spearman’s rho correlation. Lumabas sa pag-aaral na nasa katamtamang antas ang paggamit ng teknolohiya at pag-unlad ng katutubong kultura sa kabuuan. Nakitaan ng makabuluhang pagkakaiba ang antas ng pag-unlad ng katutubong kultura batay sa kasarian at buwanang kita ng pamilya, samantalang ang lawak ng paggamit ng teknolohiya ay walang makabuluhang pagkakaiba batay sa mga profile maliban sa uri ng gadget na ginagamit. Higit sa lahat, lumitaw na may positibong ugnayan ang paggamit ng teknolohiya sa pag-unlad ng katutubong kultura, na nagpapakitang ang teknolohiya ay maaaring magsilbing kasangkapan sa pagpapalaganap at pagpapalalim ng kamalayan sa kulturang katutubo.
Mga susing salita: teknolohiya, katutubong kultura, lawak ng paggamit, pag-unlad, ugnayan, kasarian, kita ng pamilya
DOI 10.5281/zenodo.17271149