Abstrak
Layunin ng pag-aaral na ito na tasahin ang antas ng literasiya sa pagbasa ng mga mag-aaral sa Baitang 9 mula sa piling distrito sa Laguna. Nilahukan ito ng tatlong-daan at limampung (350) mag-aaral mula sa nasabing baitang. Ito ay nakatuon sa tatlong salik ng literasiya; bokabularyo, kabihasaan, at komprehensyon. Nakaangkla ito sa universal design for learning, teoryang konstruktibismo, theory of literacy processing, at critical literacy theory. Ito ay gumamit ng mga kwantitatibong datos sa pamamagitan ng pre-test at post-test at mga kwalitatibong datos mula naman sa mga panayam sa mga guro. Layon din ng pag-aaral na bumuo ng mungkahing gawaing pampagkatuto sa literasiya ng pagbasa para sa Junior High School.
Natuklasan sa pag-aaral na sa tatlong aytem ng literasiya na sinukat gamit ang pre-test at post-test, ang karamihan sa mga tagatugon ay nasa antas pampagkatuto. Samantala, ang antas ng pagkatuto ng mga mag-aaral sa Filipino ay may berbal na interpretasyon na mahusay. Natuklasan din na may mahalagang pagkakaiba sa aytem na kabihasaan sa pre-test at post-test. Ang mga aytem na bokabularyo, kabihasaan, at komprehensyon ay kapwa nagpakita ng mahalagang kaugnayan sa antas ng pagkatuto ng mga mag-aaral. Batay sa mga panayam, ilan sa mga isyu at hamon sa pagtuturo ng Filipino ay ang kasanayang teknikal at kakulangan sa pag-unawa. Batay sa mga resulta, iminumungkahi ng pag-aaral na ito na ang nabuong kagamitang pampagkatuto ay maaaring isumite sa punungguro o kaugnay na eksperto upang maiwasto at magkaroon pa ng karagdagang balidasyon. Gayundin, inirerekomenda na ito ay maaaring gamitin ng mga mag-aaral sa Junior High School. Dagdag pa rito, maaaring magsagawa ng kaugnay na pag-aaral na naglalaman ng iba pang salik ng literasiya at sumasaklaw sa iba pang markahan na hindi nasakop ng pag-aaral.
Mga Susing Salita: Literasiya, bokabularyo, kabihasaan, komprehensyon, gawaing pampagkatuto, pagbasa
Panimula
Ang literasiya sa pagbasa ay kinikilalang pundasyon ng pagkatuto sa lahat ng asignatura at isang mahalagang kasanayan na nakaaapekto sa pang-akademikong pagganap ng mga mag-aaral. Sa konteksto ng edukasyon sa Pilipinas, nananatiling hamon ang pagpapanatili ng mataas na antas ng kasanayan sa pagbasa sa kabila ng mga programang ipinatutupad ng Kagawaran ng Edukasyon. Ipinapakita ng mga resulta mula sa FLEMMS at EDCOM 2 Report (2025) na may agwat sa pagitan ng dami ng mga mag-aaral na nakapapasok sa paaralan at ng kanilang aktuwal na pagganap sa mga pagsusulit sa literasiya. Ang sitwasyong ito ay nagpapahiwatig na ang pagkatuto sa pagbasa ay hindi lamang nakasalalay sa presensya sa paaralan kundi nangangailangan ng mabisang interbensyon at makabagong estratehiya sa pagtuturo.
Sa gitna ng mga isyung ito, naging mahalagang tuon ang pagsusuri sa tatlong salik ng literasiya—bokabularyo, kabihasaan, at komprehensyon—bilang batayan sa pagbuo ng mga gawaing pampagkatuto. Mahalaga ang pag-unawa sa antas ng mga kasanayang ito dahil nagsisilbi itong gabay sa pagdisenyo ng kurikulum at pagtuturo na angkop sa kakayahan at pangangailangan ng mga mag-aaral. Ang pag-aaral na ito ay naglayong masukat ang antas ng literasiya sa pagbasa ng mga mag-aaral sa Filipino 9, matukoy ang pagkakaiba ng kanilang resulta sa pre-test at post-test, at makita ang ugnayan ng antas ng literasiya sa pagkatuto. Bukod dito, tinukoy ang mga isyu at hamon na kinakaharap ng mga guro sa pagtuturo ng pagbasa bilang batayan sa pagbuo ng mungkahing gawaing pampagkatuto na makatutulong sa pag-angat ng kanilang kasanayan.
Metodolohiya
Disenyo ng Pananaliksik Ginamit ang deskriptibong disenyo upang ilarawan ang kasalukuyang antas ng literasiya sa pagbasa ng Junior High School gamit ang datos mula sa Phil-IRI, dokumento, at obserbasyon. Hindi ito gumamit ng interbensyon; naglayon lamang makilala ang mga suliranin at magbigay ng angkop na rekomendasyon para mapabuti ang literasiya sa Filipino.
Instrumento Gumamit ang pag-aaral ng binuong 60‑aytem na pauna at panapos na pagsusulit—ginawa ayon sa talahanayan ng ispesipikasyon, bineripika at binago ng mga eksperto, at pinatibay sa pamamagitan ng pilot testing at Cronbach’s alpha—bilang pangunahing instrumento para sukatin ang bokabularyo, kabihasaan, at komprehensyon. Gumamit din ang pag‑aaral ng opisyal na grado sa Filipino at panayam sa mga guro upang ihambing ang antas ng pagkatuto at tukuyin ang mga hamon sa pagtuturo.
Pagkalap ng Datos Humiling ang mananaliksik ng pormal na permiso mula sa tanggapan ng pansangay, mga tagamasid pampurok, at punungguro ng mga piling paaralan bago sinimulan ang pangangalap ng datos; isinagawa ang paunang pagsusulit, sinundan ng implementasyon ng mga aralin at panapos na pagsusulit upang masukat ang pag-unlad sa literasiya. Bilang karagdagang datos, kinuha ang ikalawang markahang grado sa Filipino at nagsagawa ng panayam sa mga piling guro (ang mga katanungan ay sinuri ng tagapayo), at isinailalim sa tematikong pagsusuri ang mga sagot upang tukuyin ang mga isyu at gabay sa interbensiyon.
Istatistikal na Pamamaraan Gumamit ang pag-aaral ng angkop na estadistikal na pamamaraan—average mean para sa antas ng literasiya at marka, dependent t-test para suriin ang pagbabago mula pre‑test hanggang post‑test, at Pearson‑r para tukuyin ang ugnayan ng pagkatuto sa Filipino at mga resulta ng pagsusulit—upang masagot ang mga suliranin ng pananaliksik.
Pang-etikal na Konsiderasyon Siniguro ng mananaliksik ang mahigpit na pagsunod sa etikal na pamantayan: binigyan ng informed consent ang mga tagatugon (boluntaryo at maaaring umatras anumang oras), pinirmahan ang sagutang papel bilang pahintulot, at iningatan ang kompidensyalidad at anonimidad ng datos. Lahat ng nakalap na impormasyon ginamit lamang para sa pag-aaral, walang idinulot na panganib sa mga kalahok, at sinunod ang mga probisyon ng R.A. 10173 (Data Privacy Act of 2012).
Resulta at Pagtalakay
Inilahad at sinuri ang mga datos na nakalap upang masusing maunawaan ang mga impormasyon na nakalap mula sa mga kalahok. Bukod sa pagpapakita ng mga numerikal na datos, binigyang interpretasyon at kahalagahan din sa bahaging ito ang mga resulta ng pag-aaral sa konteksto ng mga layunin at katanungan ng pananaliksik.
Sa antas ng literasiya natuklasan na karamihan sa mga tagatugon ay nasa antas pampagkatuto batay sa isinagawang pagsusulit sa bokabularyo, kabihasaan at komprehensyon. May pagkakatulad naman ito sa natuklasan nina Sunio at Guzman (2024), kung saan kanila ring natuklasan na mas marami pa ring mag-aaral ang nasa antas pampagkatuto at nangangailangan ng tulong o gabay mula sa guro. Samantala, sa antas ng pagkatuto, sinuri ang mga grado ng mga tagatugon mula sa ikalawang markahan sa Filipino. Natuklasan ng pag-aaral na ito na, 37.71% ng mga tagatugon ay nakapaloob sa saklaw na Mahusay o Satisfactory (80-84) batay sa katampatang tuos na 80.73. Sinuportahan ito ng pag-aaral nina Buduan et al., (2023), na nagsabing bagama’t mataas ang marka ng mga estudyante, may puwang pa upang mapabuti ang antas ng pagganap. Binibigyang-diin ng kanilang pag-aaral ang kahalagahan ng epektibong pamamaraan ng pagtuturo at angkop na kapaligiran sa pagkatuto bilang mga susi sa pagpapaunlad ng mga kasanayan sa wika, pagbasa, pagsulat, at komunikasyon, subalit kinakailangan pa rin ng mga karagdagang interbensyon upang maitaas ang antas ng pagganap.
Sinuri rin ang pagkakaiba sa antas ng literasiya sa post test. Natuklasan ng pag-aaral na ito na parehong nagkaroon ng walang kabuluhang pagkakaiba o Not Significant ang bokabularyo at komprehensyon, samantalang may makabuluhang pagkakaiba o Highly Significant naman ang mga pagsusulit sa kabihasaan. Katulad ito ng natuklasan ni Recto (2024), kung saan wala ring makabuluhang pagbabago sa pre-test at post test na isinagawa hinggil sa komprehensyon kahit may mga interbensyon. Tiningnan din sa pag-aaral na ito ang pagkakaugnay ng mga resulta ng pagsusulit sa antas ng pagkatuto ng mga mag-aaral. Natuklasan na nagpakita ng makabuluhang pagkakaugnay ang mga salik ng bokabularyo, kabihasaan at komprehensyon. Napatunayan ang positibong relasyon ng antas ng bokabularyo, kabihasaan, at komprehensyon sa pagganap ng mga mag-aaral sa pagbasa at pagsusulat ay isang matibay na prediktor ng kakayahan sa literasiya (Nurjanah,2018; Quines, 2023; Sebandal et al., 2025).
Sa kabilang banda, sa isinagawang panayam sa mga guro ng Filipino at pagbasa, natuklasan ang mga ispesipikong isyu at hamon sa pagtuturo nito. Ito ay ang mga sumusunod; kahinaan sa kasanayang teknikal sa pagbasa, kakulangan sa pag-unawa, limitadong interes sa pagbasa, kakulangan ng suporta sa tahanan, hindi sapat na pagtutok sa early literacy, limitadong oras at pagkakaiba-iba ng kakayahan ng mga mag-aaral, emosyonal at personal.
Konklusyon at Rekomendasyon
Batay sa resulta ng pananaliksik, natukoy ang mahahalagang konklusyon at angkop na rekomendasyon hinggil sa literasiya sa pagbasa ng mga mag-aaral sa Junior High School. Ang literasiya sa pagbasa ng mga mag-aaral batay sa pre-test at post test ay nasa antas pampagkatuto. Samantala, nakapaloob sa Mahusay (Satisfactory) ang markahang grado ng mga mag-aaral. Gayundin nagpakita ng mahalagang pagkakaiba sa antas ng literasiya sa kabihasaan. May mahalagang kaugnayan naman ang bokabularyo, kabihasaan at komprehensyon sa antas ng pagkatuto ng mga mag-aaral. Ugnay rito, nirerekomenda ng pag-aaral ang pagpapagamit ng nabuong kagamitang pampagkatuto sa mga mag-aaral ng Junior High School at magsagawa pa ng karagdagang pag-aaral hinggil sa mga ilang salik pa ng literasiya at sumasakop sa iba pang markahan na hindi nasaklaw ng pag-aaral.
References
Buduan, A. J. P., & Falcasantos, A. J. B., et al. (2023). Exploring the factors that
influence the students' learning in the Filipino subject: Basis for creating of children's communication primer. International Journal of Early Childhood Special Education (INT-JECSE), 15(05), 234-243. https://doi.org/10.48047/INTJECSE/V15I5.29
De Guzman, E.M., Eguia, M.L., & Lopez, P.M. (2025). Antas ng
Kahandaan, Epekto at Hamon Ng Artificial Intelligence Sa Pagkatuto Sa Filipino. Cognizance Journal of Multidisciplinary Studies.
Department of Education. (2025, April 7). Guideline for the Implementation of the
2025 Department of Education Summer Programs. DepEd Memorandum No. 10, s. 2025. Retrieved from https://www.deped.gov.ph/wp-content/uploads/DO_s2025_010.pdf
Department of Education. (2025, April 12). Supplemental Guidelines on the
Implementation of Literacy Remediation Program. DepEd Memorandum No. 034, s. 2025. Retrieved from https://www.deped.gov.ph/wp-content/uploads/DM_s2025_034.pdf
Department of Education. (2019, November 22). Hamon: Bawat Bata Bumabasa (3Bs Initiative) (DepEd Memorandum No. 173, s. 2019). Department of Education. Retrieved https://www.deped.gov.ph/wp-content/uploads/2019/11/DM_s2019_173-1.pdf
Jasareno L.J. (2023), Filipino Bilang Asignatura https://www.scribd.com/doc/
80540825/Filipino-bilang-Asignatura#
Makig-angay, A. D., et al. (2024). Salik na nakaapekto sa antas ng pag-unawa sa pagbasa ng mga mag-aaral na nasa antas ng frustration. ResearchGate.
Malaque, M. S. (2022). Antas ng Kasanayan sa Pagtatayang Pangklasrum sa
Asignaturang Filipino.
Nurjanah, R. L. (2018). The analysis on students’ difficulties in doing reading
comprehension final test. Metathesis: journal of English language, literature, and teaching, 2(2), 253-264.
Olesio M., Aclinen Z. (2023). Antas Ng Kasanayan Sa Pag-Unawa Sa Pagbasa
Ng Mga Mag-Aaral Sa Grade 8. https://cognizancejournal.com/vol3issue12/V3I1228.pdf
Palma, J. U., & Tubo, T. T. (2019). Komprehensyon sa mga Piling Akdang
Panitikan at Akademik Perpormans ng mga Mag-Aaral sa Filipino 7 ng Mahayag National High School, San Miguel, Bohol. ACADEME, 15.
Permejo A. (2021) Ang Asignaturang Filipino https://www.coursehero.com/file
/118032664/Repleksyondocx/
Peterson, A. (2020). Literacy Is More Than Just Reading And Writing. Retrieved
from https://ncte.org/blog/2020/03/literacy-just-reading-writing
Recto, J. V. (2024). Kakayahan sa Pagbigkas, Palatuldikan at Pag-Unawa sa
Pagbasa sa Filipino. ICCE
Schneider, W., Lingel, K., Artelt, C., Neuenhaus, N. (2017). Metacognitive
Knowledge in Secondary School Students: Assessment, Structure, and Developmental Change. In: Leutner, D., Fleischer, J., Grünkorn, J., Klieme, E. (eds) Competence Assessment in Education. Methodology of Educational Measurement and Assessment. Springer, Cham. https://doi.org/10.1007/978-3-319-50030-0_17
Sebandal, J. M., Cabatic, P. T. G., Pensahan, J. A. L., Espelita, E. E. P.,
Janamjam, A. D., Ladera, D. L. E., Cabrejas, M. M., & Saldo, I. J. P. (2025). An exploratory study on the correlation between motivation, self-esteem, and Filipino language proficiency of junior high school students. Asian Journal of Language, Literature and Culture Studies, 8(1), 161–183. https://doi.org/10.9734/ajl2c/2025/v8i1227
Sherrington, T.(2019). 7 Significant and Common Challenges in Teaching.
Teacherhead. Wordpress. Retrieved from https://teacherhead.com/2019
12/10/7-deadly-difficulties-in-teaching)
Sunio, C.R., & Guzman, D.R. (2024). Lawak ng Bokabularyo at Antas ng Pag-
Unawa ng Piling Pampublikong Mag-Aaral sa Filipino. EPRA International Journal of Multidisciplinary Research (IJMR).
Thibodeau, T. (2021). The science and research behind the UDL framework.
Novak Education. https://www.novakeducation.com/blog/the-science-and-research-behind-the-udl-framework
Tolete, H. E., & Zamora, N. C. L. (2023). Pagtataya ng Kasanayan sa
Pagsasalita at Pagsulat ng mga Mag-aaral sa Junior High School: Batayan sa Pagbuo ng Mapa ng Pag-unlad ng Pagkatuto.
Winberg, M.,Tegmark, M., Vinterek, M., Alatalo, T. (2022), Motivational Aspects
of Students’ Amount of Reading and Affective Reading Experiences In A School Context : A Large Scale Study of Grade 6 and 9 retrieved from https://www.tandfonline.com/doi/citedby/10.1080/02702711.2022.2118914?scroll=top&needAccess=true
https://doi.org/10.65494/pinagpalapublishing.21