ABSTRAK
Ang pag-aaral na ito ay nagsagawa ng palarawang pagsusuri sa takdang aralin ng mga mag-aaral na kumukuha ng espesyalisasyon sa Filipino upang matukoy ang antas ng kanilang pananaw batay sa bago ang pagkatuto, pagwawasto, pagsasanay, proseso, at pagtataya, gayundin ang mga pamantayan at mungkahing maaaring mapaunlad ang sistema ng pagtatakda nito. Gumamit ang pananaliksik ng palarawang disenyo at talatanungan bilang pangunahing instrumento sa pangangalap ng datos. Isinailalim ang instrumento sa balidasyon ng nilalaman at pagsusuring dalubhasa upang matiyak ang kaangkupan at bisa nito. Ang mga kalahok ay pinili gamit ang pormula ni Yamane mula sa kabuuang populasyon ng mga mag-aaral sa Liceo De Masbate Colleges Inc. sa taong panuruan 2024–2025. Sa pagsusuri ng datos, ginamit ang timbang na karaniwan, pagraranggo, at deskriptibong interpretasyon.
Ipinakita ng resulta na kinikilala ng mga mag-aaral ang takdang aralin bilang mahalagang bahagi ng kanilang pagkatuto. Pinakamataas ang pagpapahalaga sa pagwawasto at malinaw na pagbibigay ng puna ng guro, na nagpapalalim sa pag-unawa at nagpapahusay sa akademikong pagganap. Napatunayan din na ang takdang aralin ay nagsisilbing paghahanda sa susunod na aralin, instrumento sa pagsasanay ng kasanayan, at mekanismo ng pag-uugnay ng bagong kaalaman sa dating natutuhan. Mahalaga rin ang malinaw na pamantayan at sistematikong pagtataya upang mapanatiling makatarungan at epektibo ang proseso. Inirerekomenda ang patuloy na pagpapaigting ng malinaw na pagpaplano, makabuluhang pagwawasto, at pagsasaalang-alang sa kakayahan ng mga mag-aaral upang mapanatili ang kalidad at kabuluhan ng takdang aralin sa antas tersyarya.
Mga Susing Salita: takdang aralin, pananaw ng mag-aaral, palarawang pagsusuri, pagwawasto, pagtataya, edukasyong tersyarya
https://doi.org/10.65494/pinagpalapublishing.160