TALAAN NG MGA NILALAMAN:
TALAAN NG MGA NILALAMAN:
LUNTIAN, Tomo I, Isyu I (Mayo 2026), Pahina 1-27
Princess Ann C. Bulan, Elizabeth G. Columbano, Angelica T. Laman,
Dolbih Nyl S. Quiaoit, Dyan B. Valdepeñas
Isabela State University- Cabagan, Isabela, Philippines
ABSTRAK
Layunin ng pag-aaral na ito na suriin ang karanasan sa paggamit at antas ng pag-unawa ng mga piling residente ng Legislative District 1 sa Isabela sa wikang Ibanag bilang batayan sa pagbuo ng sangguniang gramatika. Gumamit ang pananaliksik ng deskriptibong-korelasyonal na disenyo at pinagsamang pamamaraang kwantitatibo at kwalitatibo. Kabilang sa mga kalahok ang limampung (50) residente na pinili sa pamamagitan ng purposive sampling. Gumamit ng talatanungan at pakikipanayam sa pangangalap ng datos, habang sinuri ang datos gamit ang mean, bahagdan, Pearson’s r, at thematic analysis.
Ipinakita ng resulta na mataas ang antas ng karanasan sa paggamit ng wikang Ibanag (GWM = 3.46) at mataas din ang antas ng pag-unawa (GWM = 3.34). Gayunpaman, natukoy na may mahina at hindi makabuluhang ugnayan sa pagitan ng dalawang baryabol (r = 0.236, p = 0.099). Sa kwalitatibong pagsusuri, lumitaw ang mga temang nagpapakita na ang wikang Ibanag ay daluyan ng epektibong komunikasyon, naaangkop sa sitwasyon, at ang karanasan ay mahalagang salik sa pagkatuto, subalit ang panlapi at estruktura ay nananatiling hamon.
Batay sa mga natuklasan, iminungkahi ang pagbuo ng isang sangguniang gramatika na nakatuon sa panlapi, aspekto ng pandiwa, reduplikasyon, at kontekstwal na kahulugan. Ipinapahiwatig ng pag-aaral na ang pag-unawa sa wika ay hindi lamang nakabatay sa karanasan kundi nangangailangan ng sistematikong paglinang.
Mga Susing Salita: Wikang Ibanag, gramatika, karanasan sa wika, antas ng pag-unawa, sosyolinggwistika, MTB-MLE
LUNTIAN, Tomo I, Isyu I (Mayo 2026), Pahina 28-42
Eliza E. Bayang
Surigao del Norte State University, Surigao City
ebayang@ssct.edu.ph
Abstrak
Ang pag-aaral ay naglalayong tuklasin ang kalagayan ng wikang Surigawnon sa lalawigan ng Surigao del Norte bilang saligan sa alinmang inisyatibang ipapatupad para sa pagpapanatili ng unang wika sa lugal. Disenyong deskriptibo ang ginamit at kumbinasyong kwali-kwanti sa tulong ng sosyolingwistikong pagsusuri, sa triangulation na subok: pakikipanayam, pag-oobserba (FGD), at wordlists- talatanungan. Sinusuri dito ang pag-uugali sa paggamit ng wika (language attitude), domenyo at sanhi ng impluwensiya. May kabuuang 1,050 na impormante at tagatugon. Purposive sampling method para sa pakikipanayam 33-210 impormanteng Surigaonon na may edad mula 18-50 pataas sa bawat munisipalidad. Samantalang quota sampling naman sa target na 1,050 mga tagatugong sumasagot ng wodrdlist-talatanungan. Ang mga datos ay tinuos gamit ang Multiple Correspondence Analysis, frequency at Percentage. Napag-alamang mas dominante pa rin ang wikang Surigawnon sa 63.9% ang gumagamit ng wikang Surigawnon bilang unang wika; samantalang 36.1%. Ang pangunahing sanhi nito ay ang pandarayung hanapbuhay ng pagsasaka at pangingisda, ng mga migranteng Boholano, Cebuano, Leyteño. Naging banta rin sa kasalukuyan ang pagmimina at negosyo na nagpapahina ng katatagan sa unang wika. Ang pag-uugali sa paggamit ng wikang Surigaonon ispikirs ay nailarawang 55% ang aktwal na laging nagsasalita ng wikang Surigawnon; 15% bilang okasyonal lamang; at 30% ang nagsabing naiintindihan lang nila ngunit di sinasalita. Sanhi nito ay ang patuloy na pakikipagsapalaran sa trabaho, pag-aasawa, at mataas na pinag-aralan. Sa domenyong pangwika, ang Wikang Cebuano ay ginagamit sa mga pahayagan at iba pang pormal na dokumentong komunikasyon, panradyo, pormal na pagtitipon at sa mga di kakilalang taong kausap. Wikang Surigawnon naman ang ginagamit para sa kakilalang kausap subalit kailanman hindi bilang panulat. At sa pamamagitan ng Multiple Correspondence Analysis, sinabing tatlumpung (30) taon mula ngayon ay maaaring mawawala na ang wikang Surigawnon dahilan sa matatanda na lamang ang nagsasalita ng purong wikang Surigawnon na nasa edad 50 - 60 pataas. At kung mamamatay na sila, tiyak na mamamatay na rin ang wikang Surigawnon. Inirekomenda na patuloy ang programang pangwika at inisyatiba sa pagbuo ng ordinansa na ipapatupad sa lahat ng sektor na magsalita at sumulat ng unang wikang Surigawnon.
Susing salita: pag-uugali sa paggamit, pagkawala, identidad, Surigawnon at interbensyon
LUNTIAN, Tomo I, Isyu I (Mayo 2026), Pahina 43-55
Kavin F. Tipay
Doctor of Philosophy in Filipino Language Education
Tarlac State University
Abstrak
Nilalayon ng pag-aaral na ito na mataya ang kabisaan at antas ng pagtanggap sa Sipat-Saliksik bilang kagamitang pampagtuturo sa asignaturang Pananaliksik para sa mga mag-aaral ng Senior High School. Sinisikap nitong mailarawan ang antas ng performans ng mga mag-aaral, matukoy ang makabuluhang pagkakaiba ng resulta ng pagsusulit, at malaman ang antas ng pagtanggap sa materyal batay sa nilalaman, hikayat, pagkakaayos, at kahalagahan.
Ginamit ang disenyong Evaluative Research at kinasangkutan ng isangdaang (100) mag-aaral mula sa ika-11 na baitang ng Benigno S. Aquino National High School sa pamamagitan ng purposive sampling. Ginamit bilang instrumento ang binuong modyul, pagsusulit (pretest at posttest), at talatanungan upang makakalap ng sapat na datos para sa pagsusuring estadistikal.
Natuklasan sa pagsusuri na ang antas ng performans ng mga mag-aaral ay makabuluhang umunlad mula sa markang Di-mahusay (5.48 mean) sa pretest patungong Pinakamahusay (26.38 mean) sa posttest. Ang antas ng pagtanggap sa modyul ay nakakuha ng interpretasyong Lubhang Mataas sa lahat ng aspekto, na nagpapatunay na ang materyal ay organisado, kawili-wili, at napakahalaga sa proseso ng pagkatuto. Batay sa mga natuklasan, napatunayang ang modyul ay isang mabisang instrumento sa pagtuturo na nakatutugon sa pangangailangan ng kurikulum at ng mga mag-aaral. Inaasahang makatutulong ang nabuong kagamitan sa pagpapaigting ng kalidad ng edukasyon at pagpapaunlad ng kasanayan sa pananaliksik sa konteksto ng asignaturang Filipino.
Mga Susing Salita: Sipat-Saliksik, Modyul, Pananaliksik, Senior High School, Filipino.
LUNTIAN, Tomo I, Isyu I (Mayo 2026), Pahina 56-72
John Lawrence R. Capagalan
Guro, City of Bacoor National High School
ABSTRAK
Tinalunton sa mga akda ni Edgar Allan Poe ang salaysay at haraya ng kamatayan gamit ang Voyant tools tungo sa pagsasalin sa Filipino ng maiikling kuwentong William Wilson at The Tell-tale Heart habang saligan sa proseso ng pagsasalin ang sikolohiyang Pilipino at teoryang Skopos sa pagsasalin. Bago maisalin sa Filipino, isinalang ang piling maiikling kuwentong Ingles ni Edgar Allan Poe sa Voyant tools upang makita ang intratekstuwal o mga panloob na kalagayan ng teksto tulad ng pinakalumitaw na salita sa corpus, ang average na bilang ng salita, at iba pa; gayundin, ipinaliwanag sa paglalaop ng sikolohiyang Pilipino ang ugnayan ng pinakalumitaw na mga salita sa teksto sa salaysay at haraya ng kamatayang umiral sa teksto. Naging salalayan ang pagsipat na ito sa mga hakbang tungo sa pagtatamo ng skopos ng pagsasalin, na maisalin sa Filipino ang piling akda ni Edgar Allan Poe. Buhat sa pananaliksik na ito, ipinagpapalagay na maaari ang pagsasaling malay-sa-damdamin sa mga saling-akda dulot ng paglalaop ng sikolohiyang Pilipino at teoryang Skopos. Lumitaw rin sa proseso ng pagsasalin at pananaliksik ang posisyon ng kapuwa at loob sa diskurso sa pagsasalin sa piling maiikling kuwento; na alinmang pagbasag sa loob at paglabag sa kapuwa ay maituturing ding pagbasag at paglabag sa diwa ng pakikipagkapuwa at kawalan ng pagpapakatao. Isinilang sa pananaliksik na ito ang mga salin sa Filipino ng piling maiikling kuwento ni Edgar Allan Poe— Si William Wilson at Mga Tibok ng Puso.
Susing-salita: Voyant tools, pagsasaling pampanitikan, skopos, sikolohiyang Pilipino, Edgar Allan Poe
LUNTIAN, Tomo I, Isyu I (Mayo 2026), Pahina 73-96
Dianna Rose P. Catong; Michaela E. Leyros; Judy Ann P. Sulapas;
at Dr. Eliza E. Bayang
Surigao Del Norte State University, Surigao City
dcatong1@ssct.edu.ph; mleyros3@ssct.edu.ph;
jsulapas7@ssct.edu.ph; at ebayang@ ssct.edu.ph
Abstrak
Ang pananaliksik na ito ay nagsusuri sa mga etno-pinilosopong pahayag ng mga Gigaquitnon sa Gigaquit, Surigao del Norte bilang salamin ng kanilang karunungang-bayan at kultural na identidad. Layunin nitong mailahad ang kahulugan, gamit, at implikasyon ng mga pahayag sa kontekstong panlipunan at kultural. Ipinapalagay na ang mga pinilosopong pahayag ay hindi lamang biro o pangungutya kundi isang malikhaing diskurso na naglalaman ng pananaw, damdamin, at kolektibong karanasan ng komunidad. Gumamit ang pag-aaral ng kwalitatibong disenyo at triangulasyon ng mga pamamaraan sa pamamagitan ng panayam at pangnilalamang pagsusuri. Inangkla ang pagsusuri sa Speech Act Theory nina Austin at Searle (1962) upang maunawaan ang bawat pahayag bilang gawaing pangwika na may tiyak na layunin at intensyon. Sa pamamagitan ng purposive sampling, napili ang mga impormanteng may edad limampu pataas mula sa mga barangay ng Ipil, Alambique, Villafranca, Villaflor, at San Isidro. Nakalap ang kabuuang 140 pinilosopong pahayag na inuri sa iba’t ibang anyo tulad ng mapanuya, may pang-uuyam, may pagbabaligtad ng kahulugan, pagpapatawa, pagbibigay-puna, at pagbibigay-aral. Pinakamadalas gamitin ang pagbabaligtad ng kahulugan, na nagpapakita ng pagpapahalaga ng komunidad sa di-tuwirang komunikasyon, ironiya, at pahiwatig bilang estratehiya ng pakikipag-ugnayan. Lumitaw din na nangingibabaw ang konotatibo at simbolikong pagpapakahulugan kaysa literal na kahulugan. Sa kabuuan, ang etno-pinilosopong pahayag ng Gigaquit ay isang masalimuot na sistemang diskursibo na nagsisilbing daluyan ng moralidad, kritika, at kolektibong kamalayan. Iminumungkahi ang patuloy na dokumentasyon at integrasyon nito sa kurikulum upang mapanatili at mapayabong ang lokal na wika at kultura.
Susing Salita: Etno-pilosopiya, Gigaquitnon, pinilosopong pahayag, kultural na identidad, SurigaononTop of Form
LUNTIAN, Tomo I, Isyu I (Mayo 2026), Pahina 97-110
Obedencio, Ria Jen A.
Rivera, Reynalyn A.
Tarnate, Princess Belli Joy C.
Bayang, Eliza E.
Surigao Del Norte State University, Claver Campus
Abstrak
Layunin ng pag-aaral na ito na suriin ang bisa ng Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) kaugnay ng implementasyon ng Republic Act No. 12027 sa mga pampublikong paaralan ng Claver, Surigao del Norte. Gumamit ang pananaliksik ng deskriptibo-kwantitatibong disenyo at isinagawa ang sarbey sa 72 guro mula sa 13 pampublikong paaralan. Sinuri ang mga nakalap na datos gamit ang frequency, percentage, mean, at standard deviation upang matukoy ang antas ng implementasyon ng MTB-MLE at ang bisa nito sa pagkatuto ng mga mag-aaral. Lumabas sa resulta na 100% ng mga guro ang gumagamit ng Surigaonon bilang unang wika, na nagpapakita ng matibay na ugnayan ng wika sa proseso ng pagtuturo at pagkatuto. Natukoy na napakataas ang antas ng implementasyon ng MTB-MLE (grand mean = 4.22), kung saan nanguna ang aspeto ng kakayahan ng guro sa paggamit ng mother tongue (mean = 4.46), na nagpapahiwatig ng kanilang kahusayan sa integrasyon nito sa pagtuturo. Sa dimensyon ng bisa sa pagkatuto, lumabas na lubos na mabisa ang programa (grand mean = 4.21), partikular sa pagpapataas ng interes at aktibong partisipasyon ng mga mag-aaral (mean = 4.35). Sa kabuuan, pinatutunayan ng pag-aaral na epektibo ang MTB-MLE sa pagpapabuti ng pagkatuto, lalo na sa pagpapalakas ng partisipasyon at pag-unawa ng mga mag-aaral sa aralin. Iminumungkahi ang balanseng paggamit ng mother tongue, Filipino, at Ingles sa implementasyon ng kurikulum upang mapanatili ang kalidad ng edukasyon at matiyak ang patuloy na pag-unlad ng akademikong kakayahan ng mga mag-aaral.
Susing Salita: Ebalwasyon, implementasyon, Mother tongue, MTB-MLE, Republic Act No. 12027 at Pagkatuto
LUNTIAN, Tomo I, Isyu I (Mayo 2026), Pahina 111-128
Rick B. Endico, MAEd
Amando A. Fabio Memorial National High School
rick.endico@deped.gov.ph
Denzel Mark A. Ciruela, MAEd
Surigao del Norte State University
dciruela@ssct.edu.ph
https://orcid.org/0009-0008-5720-5273
ABSTRAK
Layunin ng pananaliksik na ito na suriin ang epektibong gamit ng TQE (Thought, Question, Epiphany) Method bilang interbensyon sa pagpapalalim ng komprehensyon ng 42 mag-aaral sa Baitang 10-Wisdom ng Amando A. Fabio Memorial National High School sa nobelang El Filibusterismo. Gamit ang (ABAB) Single-Subject Experimental Design at Purposive Sampling, sinuri ang akademikong pagganap ng mga partisipanteng nasa antas na "full refresher." Ang datos ay nakuha sa pamamagitan ng isang validated self-made questionnaire at sinuri gamit ang Mean, Standard Deviation, Repeated Measures ANOVA, at Paired Samples t-Test. Ipinakita ng mga resulta na ang mga mag-aaral ay nagsimula sa antas n a "Fairly Satisfactory" (Mean=21.02). Sa paglalapat ng interbensyon, agad na umakyat ang marka (9.55), bumaba sa yugto ng withdrawal (5.64), at rumesbak sa pinakamataas na antas na "Very Satisfactory" (11.05) nang muling ibalik ang TQE Method. Ang post-test (Mean=38.90) ay nagpakita ng signipikanteng pag-angat mula sa pre-test (Mean=21.02), na sinuportahan ng t-value na -22.08 (p < 0.001). Natuklasan din ang isang large effect size (η2p = 0.51), na nagpapatunay na 51% ng pagbabago sa marka ay direktang sanhi ng interbensyon. Konklusyon ng pag-aaral na ang TQE Method ay isang mapagkakatiwalaan at mabisang estratehiya sa pagdodoble ng kognitibong pag-unawa at paglikha ng konsistent na pagkatuto. Inirerekomenda ang pag-integra ng metodong ito sa mga lesson plan ng mga guro, pagbuo ng mga kagamitang pampagtuturo ng mga curriculum developers, at pagsasagawa ng mas malawak na pag-aaral sa iba pang antas ng baitang upang mapanatili ang mataas na antas ng literasiya.
Mga Susing Salita: TQE Method, El Filibusterismo, Komprehensyon sa Pagbasa, Interbensyong Pampagtuturo, Literasiya
LUNTIAN, Tomo I, Isyu I (Mayo 2026), Pahina 129-146
Jerlyn D. Caintoy, MAEd
Ladgaron Elementary School
Denzel Mark A. Ciruela, MAEd
Surigao del Norte State University
dciruela@ssct.edu.ph
ABSTRAK
Layunin ng pananaliksik na ito na suriin ang bisa ng AI-Generated Imagery bilang visual stimuli sa pagpapataas ng akademikong pagganap ng 50 mag-aaral sa Ikatlong Baitang ng Ladgaron Elementary School na nasa antas ng "full refresher." Ginamit sa pag-aaral ang ABAB Single-Subject Experimental Design upang matukoy ang sanhi at epekto ng interbensyon sa pamamagitan ng pagpapalit-palit ng yugto ng baseline at intervention. Sinuri ang datos gamit ang Mean, Standard Deviation, Repeated Measures ANOVA, at Paired Samples t-Test. Natuklasan sa pag-aaral na ang antas ng pagganap ng mga mag-aaral bago ang interbensyon ay "Fairly Satisfactory" (Mean=24.85), na nagpapatunay sa limitasyon ng tradisyonal na pamamaraan. Sa yugto ng interbensyon, kapansin-pansing umakyat ang marka sa "Very Satisfactory" (Mean=8.35 hanggang 8.53), ngunit agad na bumabagsak sa yugto ng withdrawal (5.55), na nagpapatunay ng matibay na kausatibong ugnayan. Ang Repeated Measures ANOVA ay nagpakita ng napakalaking effect size (0.77), kung saan 77% ng pag-unlad ay direktang dulot ng AI visuals. Pinagtibay din ng Paired Samples t-Test ang makabuluhang pagkakaiba sa pagitan ng pre-test (24.15) at post-test (33.03) na may p-value na <0.001. Batay sa mga resulta, binuo ang kongklusyon na ang AI-Generated Imagery ay isang makapangyarihan at transpormatibong kagamitang pampagtuturo na humihigit sa tradisyonal na paraan at tumutugon sa iba’t ibang learning styles. Inirerekomenda sa mga guro at tagapaglathala ang integrasyon ng AI tools sa kurikulum at pagbuo ng mga makabagong modyul. Ang mga magulang at mananaliksik ay hinihikayat na suportahan at palawakin pa ang pag-aaral sa Generative AI upang mapanatili ang mataas na kalidad ng literasiya at akademikong tagumpay ng mga mag-aaral.
Mga Susing Salita: AI-Generated Imagery, Visual Stimuli, Akademikong Pagganap, Literasiya, Generative AI, Interbensyong Pampagtuturo, Filipino.
LUNTIAN, Tomo I, Isyu I (Mayo 2026), Pahina 147-166
Marevelle A. Buenaventura
Capalayan Elementary School
Denzel Mark A. Ciruela, MAEd
Surigao del Norte State University
dciruela@ssct.edu.ph
https://orcid.org/0009-0008-5720-5273
ABSTRAK
Ang pananaliksik na ito ay naglalayong suriin ang epektibong paggamit ng Video Lessons sa pagtuturo at pagkatuto ng asignaturang Filipino. Ginamit ang disenyong A-B-A-B Single-Subject Experimental upang masusing matasa ang pagbabago sa pag-unawa at interes ng mga mag-aaral habang inilalapat at inaalis ang interbensyon. Sa pamamagitan ng convenience sampling, pinili ang tatlumpung (30) mag-aaral sa ikalimang baitang ng Capalayan Elementary School na nasa antas na full refresher batay sa 2024 Philippine Informal Reading Inventory. Ang pagsusuri ng datos ay isinagawa sa pamamagitan ng descriptive statistics (Mean, SD, Bahagdan) at inferential statistics (Repeated Measures ANOVA at Paired-Samples t-Test). Ang mga natuklasan ay nagpapakita na ang mga mag-aaral ay nagsimula sa napakababang antas ng kaalaman na may mean score na 14.70 (29% initial score), na nasa kategoryang “Did Not Meet Expectations.” Gayunpaman, sa paglalapat ng interbensyon, naitala ang isang malinaw na pattern ng pag-unlad: tumaas ang mean score sa 41.60 (Very Satisfactory) sa yugto ng interbensyon, bumaba nang alisin ito, at muling umakyat sa pinakamataas na antas na 45.20 (Outstanding) sa huling yugto. Ang post-test ay nagtala ng transmuted score na 91%, na nagpapatunay ng malalim na masteri sa nilalaman. Ang pagsusuri gamit ang ANOVA (F=5407.0, p < .001) at effect size na 0.939 ay nagpapatibay na ang pag-unlad ay hindi bunga ng pagkakataon kundi direktang resulta ng interbensyon. Ang t-test ay nagpakita rin ng napakalaking epekto (Cohen’s d = 18.1), na nagpapatunay sa radikal na positibong pagbabago sa pagkatuto. Batay sa mga datos, nabuo ang kongklusyon na ang video-based instruction ay isang makapangyarihang instrumento upang gawing mas epektibo at nakakaengganyo ang pagtuturo ng Filipino. Inirerekomenda ng pag-aaral ang integrasyon ng mga multimedia resources sa pang-araw-araw na pagtuturo, ang patuloy na pagsuporta ng mga magulang sa makabagong kagamitan, at ang opisyal na pagsasama ng mga interaktibong video lessons sa disenyo ng kurikulum upang matiyak ang mataas na akademikong tagumpay ng mga mag-aaral.
Mga Susing Salita: Video Lessons, Asignaturang Filipino, A-B-A-B Design, Multimedia Instruction, Akademikong Pagganap, Single-Subject Experimental.
LUNTIAN, Tomo I, Isyu I (Mayo 2026), Pahina 167-178
Jackielou B. Lomocso, MAEd
Tagana-an Central Elementary School
jackelou.lomocso@deped.gov.ph
Denzel Mark A. Ciruela, MAEd
Surigao del Norte State University
dciruela@ssct.edu.ph
https://orcid.org/0009-0008-5720-5273
Abstrak
Layunin ng pag-aaral na ito na mailarawan at masuri ang mga leksikal at semantikal na baryasyong dayalektal ng Wikang Surigaonon sa Isla ng Siargao, Surigao del Norte. Ginamitan ito ng kwalitatibong disenyo na may deskriptibong lapit, kalakip ang lexicostatistics at dialect geography alinsunod sa balangkas ni McKaughan. Ginamit ang 200-word list ni Swadesh sa panayam sa 18 impormanteng kumakatawan sa 9 na munisipalidad sa isla. Layunin nitong matukoy ang cognate percentage sa pagitan ng mga lugar at mailarawan ang mga isogloss sa anyo ng dayalekto. Ipinakita sa mga resulta ang matataas na porsyento ng pagkakatulad, gaya ng 81% sa pagitan ng Del Carmen at Santa Monica, gayundin ang makabuluhang pagkakaiba sa ilang pares gaya ng General Luna at Socorro (41%). Nakilala ang 75 porma ng isogloss na sumasalamin sa lingguwistikong hangganan ng mga lokalidad. Ipinakikita ng mga baryasyon sa leksikon ang sistematikong pagbabago sa ponolohiya at morpolohiya na siyang repleksiyon ng lokal na identidad, kasaysayang lingguwistiko, at ugnayang kultural ng mga pamayanan. Iminumungkahi ng pag-aaral ang integrasyon ng lokal na baryasyon ng Surigaonon sa edukasyon, mas malalim na dokumentasyon ng mga dayalekto, at aktibong partisipasyon ng mga komunidad sa pangangalaga ng kanilang katutubong wikaSa pangkalahatan, ang wikang Surigaonon ay nananatiling buhay, masigla, at makulay, na patuloy na nagiging mahalagang bahagi ng kultural na pagkakakilanlan ng mga Surigaonon sa kabila ng hamon ng modernisasyon.
Susing Salita: Surigaonon, dayalekto, lexicostatistics, isogloss, Siargao
LUNTIAN, Tomo I, Isyu I (Mayo 2026), Pahina 179-199
Marjorie C. Mondoñedo, MAEd
Taft National High School
marjorie.crisologo@deped.gov.ph
Geraldine A. Serdan, MA
Surigao del Norte State University
gserdan@ssct.edu.ph
ABSTRAK
Ang pag-aaral na ito na may pamagat na “Modernisadong Spoken Poetry: Batayan sa Pagbuo ng Localized Lesson Exemplar” ay naglalayong suriin ang mga Balak-Surigaonon batay sa tema, simbolismo, at kultural na implikasyon bilang batayan sa pagbuo ng localized lesson exemplar sa Filipino. Gumamit ang mananaliksik ng kwalitatibong disenyo ng pananaliksik partikular ang descriptive-analytical approach upang mabigyang-linaw ang nilalaman at kahalagahang kultural ng mga Balak-Surigaonon bilang anyo ng modernisadong spoken poetry. Ang mga datos ay binubuo ng labindalawang (12) Balak-Surigaonon na nakuha mula sa Surigao City Tourism and Cultural Affairs Office. Sa pagsusuri ng datos, ginamit ang kwalitatibong pamamaraan ni John W. Creswell na kinabibilangan ng pag-organisa ng datos, masusing pagbasa, coding, pagbuo ng tema, interpretasyon, at paglalahad ng resulta upang matukoy ang tema, simbolismo, at kultural na implikasyon ng mga piling Balak-Surigaonon. Natuklasan na nangingibabaw sa mga balak ang mga temang may kaugnayan sa pagkakaisa, bayanihan, pananampalataya, pagmamahal sa pamilya, at pagpapahalaga sa kultura at wikang Surigaonon. Lumitaw rin ang iba’t ibang simbolismong sumasalamin sa identidad at karanasan ng mga Surigaonon. Bilang awtput ng pag-aaral, nakabuo ang mananaliksik ng Koleksyon ng mga Balak-Surigaonon na may pagsusuri batay sa tema, simbolismo, at kultural na implikasyon, gayundin ng localized lesson exemplar sa Filipino 7 at Filipino 8. Pinatutunayan ng pag-aaral na ang Balak-Surigaonon ay mahalagang batayan sa kontekstuwalisadong pagtuturo ng Filipino.
Mga Susing Salita: Balak-Surigaonon, Modernisadong Spoken Poetry, Localized Lesson Exemplar, Tema, Simbolismo, Kultural na Implikasyon.
LUNTIAN, Tomo I, Isyu I (Mayo 2026), Pahina 200-219
Jean C. Barquin, MAEd
Ipil Elementary School
jean.barquin@deped.gov.ph
Denzel Mark A. Ciruela, MAEd
Surigao del Norte State University
dciruela@ssct.edu.ph
https://orcid.org/0009-0008-5720-5273
ABSTRAK
Nilayon ng kwalitatibo at etnograpikong pananaliksik na ito na makabuo ng mga angkop na terminolohiyang panggamot sa wikang Filipino mula sa mga katutubong konsepto ng pagpapagaling ng mga Surigaonon. Ginamit sa pag-aaral ang purposive sampling sa pagpili ng mga impormanteng binubuo ng mga tradisyunal na manggagamot o mananambal, nakatatandang miyembro ng komunidad, at mga karaniwang gumagamit ng tradisyunal na gamot upang maunawaan ang malalim na konteksto, paniniwala, at indihinus na kasanayan bago ang aktwal na pagsasalin. Natuklasan sa pag-aaral na bumubuo sa isang komprehensibo at holistikong sistema ng kalusugan ang mga leksikal na katawagan sa tradisyunal na panggagamot na nag-uugnay sa pisikal, metapisikal, at sosyo-kultural na aspeto ng pamumuhay ng mga Pilipino. Nagpapakita ng mataas na antas ng espesyalisasyon ang mga terminong ito, partikular sa pangangalaga sa mga kababaihan at bata tulad ng paldo, talimughat, at tawas, pati na sa mga karamdamang may pinag-ugatang espiritwal tulad ng barang, botas, at lukbit. Nagpapatunay sa pagiging isang sistematikong sining at katutubong agham ang pagkakaroon ng mga tiyak na metodolohiya gaya ng tandok, tuob, palina, at tayhop. Nagsisilbi ring direktang instruksyon at lingguwistikong mapa ng manipulasyon at ritwal ang etimolohiya ng mga salitang katulad ng tutho at paspas. Sa aspetong morpolohikal, nangingibabaw ang mga payak na anyo at morpemang malaya para sa mga materyales at ritwal na aksyon. Nagpapatunay ang mga positibong resulta na hindi lamang payak na bokabularyo ang mga katawagang etnomedikal kundi isang matibay na repositoryo ng kultural na identidad at organisadong lingguwistikong pundasyon. Inirerekomenda ng pananaliksik ang pagpapahalaga ng mga mamamayan sa tradisyunal na medisina, malalim na pagsusuri ng mga mag-aaral, integrasyon ng mga guro sa kurikulum ng Filipino at Agham, at pagpapalawak ng mga susunod na mananaliksik sa saklaw nito upang makabuo ng isang komprehensibong diksyunaryo ng etnomedisina sa Pilipinas.
Mga Susing Salita: Surigaonon, Etnomedisina, Terminolohiyang Panggamot, Tradisyunal na Panggagamot, Mananambal, Kwalitatibong Pananaliksik, Etnograpiya, Leksikal na Katawagan, Wikang Filipino, Kultura.
LUNTIAN, Tomo I, Isyu I (Mayo 2026), Pahina 220-239
Quinset Mary G. Bausing, MAEd
Danao Elementary School
Denzel Mark A. Ciruela, MAEd
Surigao del Norte State University
dciruela@ssct.edu.ph
https://orcid.org/0009-0008-5720-5273
ABSTRAK
Layunin ng pananaliksik na ito na suriin ang epektibong paggamit ng code-switching bilang estratehiya sa diskurso ng klase upang mapataas ang antas ng pag-unawa at akademikong pagganap sa Matematika ng 22 piling mag-aaral sa Baitang 1 ng Danao Elementary School na nasa antas na "full refresher." Ginamit sa pag-aaral ang A-B-A-B Single-Subject Experimental Design upang sistematikong ihambing ang gawi ng mga mag-aaral sa ilalim ng baseline (A), interbensyon (B), at withdrawal na mga yugto. Ang mga datos ay nakalap sa pamamagitan ng purposive sampling at validated self-made questionnaires. Ginamit ang Mean, Standard Deviation, Wilcoxon Signed-Rank Test, at Repeated Measures ANOVA para sa pagsusuring estadistikal. Natuklasan sa pag-aaral na ang antas ng masteri ng mga mag-aaral bago ang interbensyon ay nasa "Did Not Meet Expectations" (72% transmuted score). Sa paglalapat ng code-switching, umakyat ang mean score mula 6.50 tungong 8.09 (Very Satisfactory). Gayunpaman, bumagsak ito sa 5.64 (Did Not Meet Expectations) noong yugto ng withdrawal, ngunit muling nakabangon sa 8.68 (Outstanding) sa huling interbensyon. Ang Wilcoxon Signed-Rank Test ay nagpakita ng makabuluhang pagkakaiba sa pagitan ng pre-test at post-test (p < .001) na may perfect effect size na 1.00. Ang ANOVA (F=43.3, p < .001) ay nagpapatunay din ng direktang impluwensya ng wika sa pagganap ng mga bata. Bilang konklusyon, ang code-switching ay isang mabisang kagamitang pampagtuturo na nagpapadali sa pag-unawa ng mga teknikal na konsepto sa Matematika. Gayunpaman, ang pag-unlad ng mga mag-aaral ay nakadepende sa konsistensi ng paggamit nito. Inirerekomenda ng pag-aaral ang opisyal na paggamit ng code-switching sa pagtuturo, pagbuo ng mga dual-language instructional materials, at pagsasagawa ng mga linguistic sensitivity workshops para sa mga guro. Iminumungkahi rin sa Kagawaran ng Edukasyon na muling suriin ang mga patakaran sa wika upang gawing mas inklusibo ang pagtuturo sa mga asignaturang teknikal.
Mga Susing Salita: Code-switching, Matematika, Akademikong Pagganap, Interbensyon, Full Refresher, Pag-unawa, Estratehiya sa Pagtuturo
LUNTIAN, Tomo I, Isyu I (Mayo 2026), Pahina 240-252
Bebielyn A. Legados, MAEd
Taft National High School
bebielyn.amad@deped.gov.ph
Rinalyn N. Bonotan, MAEd
Surigao del Norte State University
rbonotan@ssct.edu.ph
ABSTRAK
Ang pag-aaral na ito ay nakatuon sa leksikograpiya ng mga salitang Sinama tungo sa pagbuo ng isang diksyunaryong multilingguwal. Layunin nitong matukoy ang mga salitang Sinama na ginagamit sa pang-araw-araw na komunikasyon at suriin batay sa semantika, sintaks, at kontekstong kultural ng mga Sama-Bajau sa Sitio Panubigon, Brgy. Lipata, Surigao City. Gumamit ang pananaliksik ng deskriptibong kwalitatibong disenyo. Sa pag-aaral na ito, ginamit ang purposive sampling bilang isang teknik sa pagpili ng mga impormante. Ang mga respondente sa pag-aaral na ito ay may edad na 40 taon pataas na itinuturing na matatanda o senior sa loob ng lipunan ng Sama Bajau. Sila ay may mas malalim na pag-unawa sa kanilang wika at kultura at may mas maraming kaalaman at karanasan. Para sa mga eksaktong kadahilanang ito, sila ay pinaniniwalaang makapagbibigay ng maaasahang mga mapagkukunan ng angkop na 'tunay' na mga salita o termino para sa kultura ng Sama Bajau upang magamit para sa layunin ng pananaliksik. Apatnapung (40) impormante ng Sama-Bajau ang lumahok sa pag-aaral. Ang datos ay nakalap gamit ang isang maaasahang gabay sa panayam na napatunayan sa pamamagitan ng pagsusuri ng eksperto hinggil sa kalinawan at kaugnayan ng gabay sa panayam sa layunin ng pag-aaral. Ang instrumento ay nahahati sa tatlong bahagi: demograpikong profile, mga salitang Sinama sa pang-araw-araw na gamit, at ang kahalagahan ng wika sa pagpapanatili ng pang-araw-araw na paggamit nito. Ang datos ay sinusuri ayon sa interpretasyon, paggamit, at konteksto ng kultura ng mga salita. Natuklasan ng pag-aaral na karamihan sa mga impormante ay higit sa 51 taong gulang, karamihan sa kanila ay mga babae, karamihan ay may asawa at pangunahing nagtatrabaho nang impormal para sa kabuhayan, halimbawa, pangingisda o pagbebenta ng mga segunda-manong kalakal. Itinampok din nito ang natatanging katumbas ng mga salitang Sinama sa Sinurigaonon, Filipino, at Ingles, na nagpapahiwatig ng kultura, pamumuhay, at ugnayang panlipunan ng mga taong Sinama. Kaya't maliwanag ang pangangailangan para sa isang glossary na nakabatay sa komunidad upang mapanatili at mapalakas ang wikang Sinama sa sangandaan ng edukasyon at interkultural na pakikipag-ugnayan.
Mga Susing Salita: Sinama, Sama-Bajau, pagsasalin, diksyunaryong multilinggwal, wika, kultura
LUNTIAN, Tomo I, Isyu I (Mayo 2026), Pahina 253-278
Rheman G. Pilan, MAEd
Caraga Regional Science High School
rheman.pilan@deped.gov.ph
Gemma R. Escultor, PhD
Surigao del Norte State University
gescultor@ssct.edu.ph
ABSTRAK
Ang pag-aaral na ito na pinamagatang "Luwa Baha'u: Cultural Identity of the Sama-Bajau in Sitio Panubigon, City of Surigao" ay naglalayong imbestigahan at ilarawan ang kultural na pagkakakilanlan ng mga Sama-Bajau batay sa kanilang materyal at di-materyal na kultura sa loob ng modernisasyon at pagbabago ng pamumuhay. Ang pananaliksik ay deskriptibong kwalitatibo sa disenyo upang mapadali ang paggalugad sa mga karanasan, saloobin, at tradisyon ng mga Sama-Bajau. Tatlumpung (30) Sama-Bajau sa Sitio Panubigon, Barangay Lipata, Lungsod ng Surigao ang mga impormante na natukoy sa pamamagitan ng snowball sampling, purposive sampling, at convenience sampling. Sa pamamagitan ng mga gabay sa panayam, obserbasyon, dokumentasyon, at potograpiya, nakalap ng mananaliksik ang mga datos. Ang tematikong pagsusuri ng datos ay isinagawa gamit ang emic at etic na pananaw upang makilala ang mga pangunahing tema na may kinalaman sa kanilang kultura at pagkakakilanlan. Natuklasan sa pagsusuri na ang mga Sama-Bajau ay patuloy na nagdadala ng mahahalagang elemento ng kanilang sariling kultura tulad ng kanilang pananamit, pagkain, paniniwala, kasal, at iba pang kaugalian bilang mga simbolo ng kanilang pagkakakilanlan. Ipinakita rin nito ang impluwensya ng modernisasyon at pakikipag-ugnayan sa ibang mga komunidad, na nagresulta sa pagbabago ng kanilang pananamit, kabuhayan, pabahay, at paraan ng pamumuhay. Gayunpaman, hindi nila nawala ang kanilang pagkakakilanlan bilang Sama-Bajau; lumaki sila sa modernong lipunan ngunit hindi kailanman iniwan ang kanilang mga tradisyon at kultura. Ipinapakita ng pag-aaral, siyempre, ang dinamiko at nagbabagong kultura ng mga Sama-Bajau bunga ng modernisasyon, na may matibay na pagkakakilanlan ng kanilang sarili. Ang rekomendasyon ng pag-aaral ay ang pagtatatag ng mga programang kultural at pang-edukasyon upang ang mga ganitong gawain ay makapaglingkod sa pagpapanatili, pagpapahalaga, at pagpapasa sa mga susunod na henerasyon ng kultura ng mga Sama-Bajau bilang esensya ng pambansang pagkakakilanlan ng mga Pilipino.
Mga Susing Salita: Sama-Bajau, kultural na pagkakakilanlan, Luwa Baha’u, pagbabagong kultural, relokasyon, modernisasyon
Tungkol sa Dyornal ng Pananaliksik:
LUNTIAN: Pambansang Dyornal ng Pananaliksik at Pag-aaral sa Pag-unlad ng Wikang Filipino
ISSN (Print): 3116-5435
ISSN (Online): 3116-5443
Ang LUNTIAN: Pambansang Dyornal ng Pananaliksik at Pag-aaral sa Pag-unlad ng Wikang Filipino ay isang akademikong publikasyon na naglalayong itaguyod at palaganapin ang mas malalim na pag-unawa, pagsusuri, at pagpapayaman sa wikang Filipino. Layunin ng dyornal na maging pangunahing plataporma para sa mga makabuluhang pananaliksik at talakayan ukol sa wika, kultura, at kaunlaran ng ating bayan.
Ang LUNTIAN ay isang peer-reviewed at refereed journal na nangangahulugang ang bawat pananaliksik na inilalathala rito ay dumadaan sa masusing pagsusuri ng mga eksperto sa kani-kanilang larangan upang matiyak ang kalidad, kredibilidad, at kahalagahan ng mga nilalaman nito.
Sa pamamagitan ng LUNTIAN, binibigyang-pugay ang kahalagahan ng wikang Filipino bilang pangunahing daluyan ng kaalaman, pananaliksik, at diskurso sa iba't ibang larangan ng karunungan. Hinihikayat nito ang mga mananaliksik, guro, mag-aaral, at mga propesyonal na magbahagi ng kanilang mga ideya, kaalaman, at natuklasan na makatutulong sa pagpapalago ng wika at kultura.
Ang dyornal na ito ay nagtatampok ng mga pananaliksik na tumutukoy sa mga sumusunod na larangan:
Lingguwistika at Wika
Panitikan at Kultura
Edukasyon at Pedagohiya
Agham Panlipunan at Humanidades
Mga usaping pangkaunlaran sa konteksto ng wikang Filipino
Sa pamamagitan ng LUNTIAN, hangad ng pamunuan nito na makapag-ambag sa patuloy na pagpapaunlad ng wikang Filipino bilang wika ng karunungan, pagkakakilanlan, at pagkakaisa ng sambayanang Pilipino.
LUNTIAN – isang simbolo ng buhay, pag-asa, at patuloy na pag-usbong ng ating wika at kultura.
PUBLICATION GUIDELINES
Publication Ethics and Publication Malpractice Statement
PROCESSING FEES AND INCLUSIONS