LUNTIAN, Tomo I, Isyu II (Hunyo 2026), Pahina 145-155
SIPAT-SURI: ANG SALIN SA FILIPINO NG PILING KUWENTONG-BAYANG CHABACANO
HANNA DRAPEZA-BERMILLO
Western Mindanao State University
https://orcid.org/0009-0006-2123-0261
LUNTIAN, Tomo I, Isyu II (Hunyo 2026), Pahina 145-155
HANNA DRAPEZA-BERMILLO
Western Mindanao State University
https://orcid.org/0009-0006-2123-0261
ABSTRAK
Layunin ng pag-aaral na ito na sipatin at suriin ang salin sa Filipino ng mga kuwentong-bayang Chabacano ng Lungsod Zamboanga sa pamamagitan ng pagsusuri sa katangian at mga estratehiyang ginamit ng mga tagasalin. Gumamit ang pag-aaral ng disenyong kwalitatibong-deskriptibo-analitiko at pagsusuring pangnilalaman bilang pangunahing pamamaraan sa pagsusuri ng datos. Dalawang kuwentong-bayan, ang “El Mariposa y El Pajaro” at “El Abuela y Su Nieta”, mula sa Monograph ng Panitikang-Bayan sa Iba’t Ibang Wika sa Pilipinas ng Komisyon sa Wikang Filipino ang naging korpus ng pag-aaral.
Natuklasan na ang mga salin sa Filipino ay lubos na katanggap-tanggap batay sa pagtataya ng mga batikang tagasalin sa wikang Filipino. Napanatili ng mga salin ang diwa, himig, estilo, at mga aspektong pangkultura ng orihinal na teksto, habang naipahayag ang mga ito sa paraang malinaw, natural, at angkop sa target na mambabasa. Natukoy rin na ang mga pangunahing estratehiyang ginamit sa pagsasalin ay ang pagsasaling literal, paglilipat, leksikal na kasingkahulugan, pagbabawas o pagkakaltas, at naturalisasyon. Ipinahihiwatig ng mga resultang ito na ang mga estratehiyang nabanggit ay epektibong nakatutulong sa paglilipat ng kahulugan at mga elementong pangkultura mula sa simulang lengguwahe tungo sa tunguhang lengguwahe.
Pinatutunayan ng pag-aaral na ang sistematikong paggamit ng angkop na estratehiya sa pagsasalin ay mahalaga sa pagpapanatili ng kalidad ng salin at sa pangangalaga, dokumentasyon, at pagpapalaganap ng panitikang Chabacano bilang mahalagang bahagi ng pamanang pangwika at pangkultura ng Pilipinas.
Mga Susing Salita: Chabacano, kuwentong-bayan, pagsasaling-wika, estratehiya sa pagsasalin, pagsusuring pangnilalaman.
Tungkol sa Dyornal ng Pananaliksik:
LUNTIAN: Pambansang Dyornal ng Pananaliksik at Pag-aaral sa Pag-unlad ng Wikang Filipino
ISSN (Print): 3116-5435
ISSN (Online): 3116-5443
Ang LUNTIAN: Pambansang Dyornal ng Pananaliksik at Pag-aaral sa Pag-unlad ng Wikang Filipino ay isang akademikong publikasyon na naglalayong itaguyod at palaganapin ang mas malalim na pag-unawa, pagsusuri, at pagpapayaman sa wikang Filipino. Layunin ng dyornal na maging pangunahing plataporma para sa mga makabuluhang pananaliksik at talakayan ukol sa wika, kultura, at kaunlaran ng ating bayan.
Ang LUNTIAN ay isang peer-reviewed at refereed journal na nangangahulugang ang bawat pananaliksik na inilalathala rito ay dumadaan sa masusing pagsusuri ng mga eksperto sa kani-kanilang larangan upang matiyak ang kalidad, kredibilidad, at kahalagahan ng mga nilalaman nito.
Sa pamamagitan ng LUNTIAN, binibigyang-pugay ang kahalagahan ng wikang Filipino bilang pangunahing daluyan ng kaalaman, pananaliksik, at diskurso sa iba't ibang larangan ng karunungan. Hinihikayat nito ang mga mananaliksik, guro, mag-aaral, at mga propesyonal na magbahagi ng kanilang mga ideya, kaalaman, at natuklasan na makatutulong sa pagpapalago ng wika at kultura.
Ang dyornal na ito ay nagtatampok ng mga pananaliksik na tumutukoy sa mga sumusunod na larangan:
Lingguwistika at Wika
Panitikan at Kultura
Edukasyon at Pedagohiya
Agham Panlipunan at Humanidades
Mga usaping pangkaunlaran sa konteksto ng wikang Filipino
Sa pamamagitan ng LUNTIAN, hangad ng pamunuan nito na makapag-ambag sa patuloy na pagpapaunlad ng wikang Filipino bilang wika ng karunungan, pagkakakilanlan, at pagkakaisa ng sambayanang Pilipino.
LUNTIAN – isang simbolo ng buhay, pag-asa, at patuloy na pag-usbong ng ating wika at kultura.
Publication Ethics and Publication Malpractice Statement