Abstrak
Sinusuri ng kwalitatibong pag-aaral na ito, gamit ang deskriptibong penomenolohiya, ang buhay na karanasan ng mga guro ng Filipino sa Pangkalahatang Edukasyon na naapektuhan ng CHED Memorandum Order Blg. 20, Serye ng 2013. Layunin nitong unawain ang mga hamong kinaharap ng mga guro at ang mga estratehiyang ginamit upang makaangkop sa repormang pangkurikulum. Sa pamamagitan ng balidadong semi-structured na panayam, lumahok ang labingpitong (17) guro ng Filipino mula sa limang State Universities and Colleges sa Rehiyon I. Ipinakita ng tematikong pagsusuri na naranasan ng mga kalahok ang propesyonal na pagkagambala-paglilipat ng asignatura, suliraning pang-instruksiyon, hamong institusyonal, emosyonal na pangamba, at kakulangan sa paghahanda. Gayunpaman, ipinamalas nila ang kakayahang umangkop sa pamamagitan ng pananatili ng identidad bilang guro ng Filipino, patuloy na pagkatuto, pakikipagtulungan, at pagpapaunlad sa sarili. Iminumungkahi ng mga resulta ang pangangailangan sa mas malawak na konsultasyon sa mga guro at mas matatag na suporta tungo sa makatao at sustenableng pagpapatupad ng repormang pang-edukasyon.
Mga Susing Salita: Guro ng Filipino; Repormang Pangkurikulum; CHED CMO Blg. 20, S. 2013; Buhay na Karanasan; Propesyonal na Pagkagambala; Pag-angkop
https://zenodo.org/records/21508787