ABSTRAK
Sinuri sa pag-aaral na ito ang ethnic at self-stereotypes ng mga Kapampangan, Ilokano, at Tagalog sa Tarlac State University (TSU) at sa Gitna at Hilagang Luzon gamit ang Uniformity Index at Positivity Index. Nilayon nitong mailarawan ang ethnic stereotypes ng mga Kapampangan, Ilokano, at Tagalog at ang self-stereotypes ng mga pangkat na ito, kabilang ang pambansang self-identity bilang Filipino at maihambing ang antas ng pagkakatulad at pagiging positibo ng mga stereotype sa dalawang pangkat ng mga kalahok. Gumamit ang pag-aaral ng deskriptibo-komparatibong disenyo. Isinagawa ito sa dalawang yugto: paunang sarbey sa 150 mag-aaral upang mabuo ang talaan ng 162 katangian at pangunahing sarbey sa 600 kalahok na binubuo ng tig-100 Kapampangan, Ilokano, at Tagalog mula sa TSU at tig-100 residente mula sa Pampanga, Pangasinan, at Bulacan. Batay sa pamamaraan nina Katz at Braly, tinukoy ang labindalawang (12) pangunahing katangian ng bawat pangkat at kinalkula ang Uniformity Index at Positivity Index. Ipinakita ng mga natuklasan na nananatili ang ethnic at self-stereotypes sa tatlong etnolingguwistikong pangkat, ngunit higit na positibo ang self-stereotypes kaysa ethnic stereotypes. Lumitaw din na mas mababa ang Uniformity Index at mas mataas ang Positivity Index ng mga kalahok sa TSU kaysa sa mga kalahok sa Gitna at Hilagang Luzon, na nagpapahiwatig ng magkakatulad at positibong pananaw sa loob ng isang multikultural na kapaligiran. Ipinahihiwatig ng pag-aaral na ang isang multikultural na pamantasan ay nakatutulong sa pagpapaunlad ng paggalang, pag-unawa, at positibong ugnayan sa kabila ng pagkakaiba-iba ng mga etnolingguwistikong pangkat.
Susing-salita: ethnic stereotypes, self-stereotypes, Uniformity Index, Positivity Index, etnolingguwistikong pangkat
https://zenodo.org/records/21328735