TALAAN NG MGA NILALAMAN:
TALAAN NG MGA NILALAMAN:
LUNTIAN, Tomo I, Isyu II (Hunyo 2026), Pahina 1-14
Galigao, Anna Mae B.
Erazo, Aira S.
Dr. Eliza E. Bayang
Surigao Del Norte State University, Claver Campus
Abstrak
May mga paniniwala at kuwentong kababalaghan na naging gabay sa Lipunan. Ang pag-aaral na ito ay layong suriin ang papel ng kwentong-bayan sa ugnayang kultural at programang Panturismo ng LGU sa bayan ng Claver, Surigao del Norte bilang identidad at panturismong yaman ng isang komunidad. Ginamit ang desinyong deskriptibo sa pinagsanib na kwali-kwantitatibong pamamaraan: content analysis sa tulong ng Aestheticism Approach ni John Ruskin (1900) sa mga naratibong kuwentong panturismo mula sa 8 barangay ng Claver, Surigao del Norte. Purposive sampling ang paraang ginamit sa pagkuha ng 52 tagatugon para sa pakikipanayam at pagtugon ng sarvey-kwestyuner. Mean and Standard Deviation at Paired-Sample T-test sa pagsukat ng programang panturismo ng lokal na pamahalaan. Natuklasan na may 15 kuwentong panturismo kuha sa 8 barangay. Ipinakita sa mga kuwento ang kahalagahang pangkultural, na naglalaman ng mahiwaga at makalikasang paniniwala na may malalim na ugnayan ng mga tao sa kalikasan at espiritu ng kapaligiran. Ang kuwentong-bayan ay nagsilbing gabay, babala sa pag-iingat at iwas panganib na taglay ng hiwaga sa bawat panturismong lugar. Ipinakita rin ang simbolismo, aral, pagsunod sa mga babala, pagmamahal sa pamilya, kabuhayan at kultura ng pamayanan. Sa programang panturismo, nagkaroon ng positibong pagtanggap sa mga patakaran ng LGU. Ang Preserbasyon at Akomodasyon ay napatunayang may makabuluhang epekto sa panturismo, habang ang Pag-iingat at Kalinisan ay nangangailangan pa ng mas maigting na pagpapatupad. Dito nakikita ang kahalagahan ng ugnayan sa kultura at turismo sa pagbuo ng matatag na identidad at progresibong komunidad. Inirerekomenda sa LGU, guro, turista, kabataan, mamamayan, at mananaliksik ang aktibong pakikilahok sa preserbasyon, edukasyon, at promosyon ng mga kuwentong-bayan bilang pundasyon ng isang makabuluhang panturismong nakaugat sa kultura.
Susing salita: Kultura, Pantursimo, LGU, Kuwentong-bayan at pangkaligtasan
LUNTIAN, Tomo I, Isyu II (Hunyo 2026), Pahina 15-28
Awtor
Sharon Concepcion-Masula
Propesora II. Tagapangulo, Programa ng BSED
Aklan State University -Ibajay Campus, Ibajay, Aklan, Philippines
ORCID Blg. 0000-0001-5940-9802
ABSTRAK
Hangad ng pag-aaral na ito na matulungan ang mga nagsipagtapos sa kursong Batsilyer sa Edukasyong Pansekondarya medyor sa Filipino sa probinsya ng Aklan. Ito ay mangyayari sa pamamagitan nang pagbubukas ng programang Masterado ng Sining sa Edukasyon Medyor sa Pagtuturo ng Wikang Filipino sa Aklan State University–Ibajay Campus. Ang makamtan ang adbans na pag-aaral nang hindi na kailangang lumuwas sa malalayong lugar, makatipid sa pamasahe, tirahan at iba pang gastusing pang-ekonomiko ay karagdagang paglutas sa gap ng pag-aaral na ito.
Sinuri ng pag-aaral ang profayl ng mga kalahok, mga pangangailangan para sa programa, kapasidad ng unibersidad sa aspeto ng pasilidad at guro, at ang kaangkupan nito sa mga pamantayan ng CHED at Philippine Qualifications Framework (PQF) Level 7.
Gumamit ng deskriptibong disenyo ng pananaliksik para sa isangdaan at dalawampu’t dalawang (122) mga mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralang elementarya at sekondarya ng Aklan at Pandan, Antique. Kinalap ang datos sa pamamagitan ng sarbey-kwestyuner, pakikipanayam, dokumentaryong pagsusuri, at pokus na diskasyon ng grupo habang ang panloob na salik ay kinuha mula sa talaan ng kolehiyo. Ginamit din ang mga impormasyon sa pagsulat ng konklusyon at rekomendasyon.
Lumabas sa datos na napakataas ang antas ng interes sapagkat ang 122 na kalahok ay nagpahayag ng intensyong magpatala. Ipinapakita nito ang malakas na pangangailangan at hangaring maitaas ang kanilang katungkulan. Ang malawak na distribusyon ng mga kalahok mula sa iba’t ibang distrito ay nagpapatunay na sapat ang bilang ng potensyal na kliyente.
Iminumungkahi ang mabilis na pagpapatibay ng kurikulum at polisiya para pormal na buksan ang programa. Ang pagpapaunlad ng mga pasilidad at pagpapalakas sa ugnayan ng Departamento ng Edukasyon at lokal na pamahalaan para sa mga iskolarsip ay higit na hinihikayat upang makapagpatuloy ang mga guro ng masterado.
Susing salita: Masterado ng Sining sa Edukasyon (MAED), Pagtuturo ng Wikang Filipino, Pangangailangang Pang-Edukasyon, Kurikulum, Polisiya
LUNTIAN, Tomo I, Isyu II (Hunyo 2026), Pahina 29-37
Arianne Nicole N. Fernando, RPsy, RPm, MP
Associate Professor/ Polytechnic University of the Philippines
ansnachor@pup.edu.ph
https://orcid.org/0000-0001-9051-6120
ABSTRAK
Sa pagtaas ng bilang ng mga kababaihang Pilipino na aktibong kalahok sa labor force, lumalawak din ang kanilang mga responsibilidad sa loob at labas ng tahanan. Bagama’t nagkakaroon ng mas maraming oportunidad ang mga kababaihan sa edukasyon at propesyon, nananatili pa rin ang inaasahan ng lipunan na sila ang pangunahing tagapangalaga ng pamilya at tagapangasiwa ng mga gawaing domestiko. Ang ganitong kalagayan ay nagbubunga ng tinatawag na mental load, isang hindi nakikitang anyo ng cognitive at emotional labor na kinabibilangan ng patuloy na pag-alala, pagpaplano, pag-oorganisa, at pagmamanman sa mga pangangailangan ng pamilya. Layunin ng pag-aaral na ito na tuklasin at ilarawan ang lived experiences ng mga working mothers sa pagdadala ng mental load sa kontekstong Pilipino. Gumamit ang pananaliksik ng qualitative phenomenological design upang maunawaan ang kahulugan ng kanilang mga karanasan. Sampung working mothers mula sa iba’t ibang propesyon at rehiyon sa Pilipinas ang napili sa pamamagitan ng purposive sampling. Isinagawa ang semi-structured interviews at sinuri ang datos gamit ang Colaizzi’s phenomenological method. Mula sa pagsusuri ay lumitaw ang apat na pangunahing tema: (1) Ako ang Naaalala sa Lahat, (2) Pagod na Hindi Nakikita, (3) Kasamang Dumarating ang Guilt, at (4) Paghahanap ng Balanse at Suporta. Ipinakita ng mga resulta na ang mental load ay may malaking impluwensiya sa emosyonal at sikolohikal na kalagayan ng mga working mothers. Lumalabas na ang hindi pantay na distribusyon ng cognitive labor sa loob ng pamilya ay patuloy na naglalagay sa kababaihan sa posisyon ng mataas na stress at emotional burden. Inirerekomenda ng pag-aaral ang pagpapatupad ng gender-sensitive family programs, workplace support systems, at mental health interventions upang matugunan ang mga hamong dulot ng mental load.
Mga Suring Salita: mental load, working mothers, gender roles, phenomenology, Filipino women, psychology
Tungkol sa Dyornal ng Pananaliksik:
LUNTIAN: Pambansang Dyornal ng Pananaliksik at Pag-aaral sa Pag-unlad ng Wikang Filipino
ISSN (Print): 3116-5435
ISSN (Online): 3116-5443
Ang LUNTIAN: Pambansang Dyornal ng Pananaliksik at Pag-aaral sa Pag-unlad ng Wikang Filipino ay isang akademikong publikasyon na naglalayong itaguyod at palaganapin ang mas malalim na pag-unawa, pagsusuri, at pagpapayaman sa wikang Filipino. Layunin ng dyornal na maging pangunahing plataporma para sa mga makabuluhang pananaliksik at talakayan ukol sa wika, kultura, at kaunlaran ng ating bayan.
Ang LUNTIAN ay isang peer-reviewed at refereed journal na nangangahulugang ang bawat pananaliksik na inilalathala rito ay dumadaan sa masusing pagsusuri ng mga eksperto sa kani-kanilang larangan upang matiyak ang kalidad, kredibilidad, at kahalagahan ng mga nilalaman nito.
Sa pamamagitan ng LUNTIAN, binibigyang-pugay ang kahalagahan ng wikang Filipino bilang pangunahing daluyan ng kaalaman, pananaliksik, at diskurso sa iba't ibang larangan ng karunungan. Hinihikayat nito ang mga mananaliksik, guro, mag-aaral, at mga propesyonal na magbahagi ng kanilang mga ideya, kaalaman, at natuklasan na makatutulong sa pagpapalago ng wika at kultura.
Ang dyornal na ito ay nagtatampok ng mga pananaliksik na tumutukoy sa mga sumusunod na larangan:
Lingguwistika at Wika
Panitikan at Kultura
Edukasyon at Pedagohiya
Agham Panlipunan at Humanidades
Mga usaping pangkaunlaran sa konteksto ng wikang Filipino
Sa pamamagitan ng LUNTIAN, hangad ng pamunuan nito na makapag-ambag sa patuloy na pagpapaunlad ng wikang Filipino bilang wika ng karunungan, pagkakakilanlan, at pagkakaisa ng sambayanang Pilipino.
LUNTIAN – isang simbolo ng buhay, pag-asa, at patuloy na pag-usbong ng ating wika at kultura.
PUBLICATION GUIDELINES
Publication Ethics and Publication Malpractice Statement
PROCESSING FEES AND INCLUSIONS