Abstrak
Sinusuri sa pag-aaral na ito ang linguistic landscape ng mga rural at urban na pampublikong espasyo sa lalawigan ng Nueva Ecija sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga uri, distribusyon, at gampanin ng mga signage bilang manipestasyon ng paggamit ng wika sa pampublikong domeyn. Layunin nitong mailarawan ang mga nangingibabaw na uri ng signage, maihambing ang katangian ng linguistic landscape sa rural at urban na mga pamayanan, at maipaliwanag ang papel ng mga signage sa paghubog ng pampublikong komunikasyon. Gumamit ang pag-aaral ng kwalitatibong deskriptibong disenyo na may dokumentasyong biswal at content analysis. Nakalap ang kabuuang 2,606 na larawan ng signage mula sa siyam na lokalidad ng Nueva Ecija at inuri batay sa taksonomiya ni Spolsky sa mga kategoryang advertising, warning, informative, building name, place name, object, commemorative, at graffiti signage. Ipinakita ng pagsusuri na nangingibabaw ang advertising signage sa parehong rural at urban na mga pook, na nagpapahiwatig ng malawak na paggamit ng pampublikong espasyo bilang daluyan ng komunikasyong pang-ekonomiya. Malaki rin ang ambag ng warning at informative signage sa pagpapanatili ng kaayusan, kaligtasan, at episyenteng pagpapadaloy ng impormasyon, samantalang limitado ang presensiya ng commemorative, object, at place name signage. Lumitaw din ang pagkakaiba sa distribusyon at gamit ng mga signage batay sa antas ng urbanisasyon at katangiang sosyo-ekonomiko ng bawat lokalidad. Sa kabuuan, ipinakikita ng pag-aaral na ang mga signage ay hindi lamang nagsisilbing daluyan ng impormasyon kundi mahalagang representasyon ng ugnayan ng wika, identidad, at pampublikong espasyo. Nag-aambag ang mga natuklasan sa pagpapalawak ng mga pag-aaral sa linguistic landscape sa kontekstong Pilipino at maaaring magsilbing batayan sa pagpaplano ng pampublikong espasyo, lokal na pamamahala, at pagpapaunlad ng mga patakarang pangwika.
Mga susing salita: Linguistic Landscape; Signage; Pampublikong Espasyo; Rural at Urban; Wika sa Lipunan.
https://zenodo.org/records/21422151