ABSTRAK
Nilayon ng pag-aaral na ito na mailarawan at masuri ang transpormasyon ng mga kapital ni Bourdieu sa mga kuwento ng tagumpay ng mga katutubong Aeta sa Tarlac State University (TSU). Sinikap nitong mailahad ang kanilang mga karanasan sa pag-abot ng tagumpay, masuri ang mga inisyal, nalikhang, at nagbahong pang-ekonomiko, kultural, at panlipunang kapital, at makapagbigay ng mga mungkahing programang makapagpapalawak sa akses sa edukasyon at magpapabuti sa kabuhayan ng mga pamayanang katutubo.
Ginamit sa pag-aaral ang kuwalitatibong disenyong Case Study, habang Ginabayang Pakikipagkuwentuhan (Guided Interview) ang naging pangunahing pamamaraan sa pangangalap ng datos. Sampung (10) katutubong Aeta mula sa TSU ang napiling kalahok sa pamamagitan ng purposive at snowball sampling techniques. Mula sa mga nakalap na salaysay ay sinuri at dinalumat batay sa teorya ng mga kapital ni Pierre Bourdieu upang maipaliwanag ang ugnayan at transpormasyon ng kanilang mga inisyal, nalikhang, at nagbagong kapital.
Batay sa mga nakuhang datos ay natuklasang nagkaroon ng natatanging paglalakbay ang mga kalahok tungo sa tagumpay sa kabila ng kahirapan, diskriminasyon, at kakulangan ng oportunidad sa edukasyon. Naipakita rin na nagkaroon ng malinaw na pagbabago sa kanilang pang-ekonomiko, kultural, panlipunan, simboliko, at emosyonal na kapital habang umuunlad ang kanilang buhay. Lumitaw din na ang panlipunan at emosyonal na kapital ang nagsilbing pangunahing puwersang nagtulak sa kanilang pagpupunyagi at pagtatagumpay, samantalang ang pang-ekonomiko at kultural na kapital ang higit na napaunlad bilang bunga ng kanilang natamong edukasyon.
Napatunayan na ang transpormasyon ng mga anyo ng kapital ay naging mahalagang salik sa paghubog ng tagumpay ng mga katutubong Aeta. Iminungkahi rin ng pananaliksik na ang pagpapatibay ng mga programang pang-edukasyon, pangkabuhayan, at pangkultura ay makatutulong sa pagpapalawak ng mga oportunidad at sa pagsusulong ng ingklusibong edukasyon.
Keywords:
Kapital, Bourdieu, kuwento ng tagumpay, Aeta, Tarlac State University
https://zenodo.org/records/21214600