Abstrak
Layunin ng pag-aaral na ito na masuri ang ilang kuwentong saling-dila mula sa Kanlurang Pangasinan, partikular sa Bolinao, bilang ambag sa pangangalaga ng pamanang kulturang di-nahahawakan (Intangible Cultural Heritage). Ginamit sa pananaliksik ang kuwalitatibong disenyo na nakabatay sa documentary analysis at narrative analysis. Isinagawa ang purposive sampling sa pagpili ng mga impormanteng limampung (50) taong gulang pataas na kinikilalang tagapag-ingat ng mga tradisyong pasalita. Ang mga datos ay nakalap sa pamamagitan ng semi-structured interview at sinuri gamit ang thematic analysis at balangkas ni William Bascom hinggil sa mga tungkulin ng folklore.
Lumitaw sa pag-aaral na ang mga nakalap na salaysay ay maaaring uriin bilang relihiyosong alamat, etiological na alamat, at toponimikong alamat. Natukoy rin ang limang pangunahing tema: dagat bilang lunan ng transpormasyon, kabanalan at hiwaga ng mga pook, pagbabantay at proteksiyon sa pamayanan, toponimiya bilang imbakan ng kolektibong alaala, at pag-ibig at sakripisyo bilang saligan ng lokal na identidad. Ipinakita rin ng mga resulta na ang mga kuwentong-bayan ay nananatiling mahalagang daluyan ng kasaysayan, pagpapahalaga, at kolektibong identidad sa pamamagitan ng oral na transmisyon sa loob ng pamayanan.
Ipinahihiwatig ng pag-aaral ang pangangailangan ng sistematikong dokumentasyon, konserbasyon, at integrasyon ng mga kuwentong saling-dila sa edukasyon at lokal na imbentaryo ng pamanang kultural upang matiyak ang patuloy na pagpapanatili ng identidad at kulturang Kanlurang Pangasinan para sa mga susunod na salinlahi.
Keywords: oral na tradisyon, kuwentong-bayan, Pangasinan, pagsusuri
https://zenodo.org/records/21352245