Abstrak — Ang panitikan, lalo na ang maikling kwento, ay mahalagang instrumento sa pagpapakita ng katotohanan tungkol sa lipunang Pilipino. Layunin ng pag-aaral na ito na suriin ang limang piling maikling kwento ni Efren Reyes Abueg - "Mabangis na Lungsod," "Bagong Paraiso," "Mapanglaw ang Mukha ng Buwan," "Dugo sa Ulo ni Corbo," at "Kamatayan ni Tiyo Samuel" - batay sa uri, tema, banghay, at tauhan, gayundin ang mga pagpapahalagang Pilipino ayon sa sosyolohikal, sikolohikal, moral, at ispiritwal na pananaw. Ginamit ang pamamaraang palarawan sa pagsusuri ng nilalaman, at ginamit din ang tugon ng mga piling mag-aaral, guro, magulang, at kinatawan ng lipunan upang matukoy ang implikasyon ng mga kwento sa kasalukuyan. Natuklasan na magkakaiba ang uri ng mga akda- panlipunan, pag-ibig, at pakikipagsapalaran subalit tradisyunal ang banghay ng halos lahat, at ang mga tauhan ay sumasalamin sa iba't ibang katangian ng tunay na Pilipino. Nangibabaw ang temang kahirapan sa buhay, pagsasakripisyo para sa pag-ibig, pagmamalasakit, at diskriminasyon. Ipinapahiwatig ng mga resulta na ang mga akda ni Abueg ay nananatiling makabuluhan sa mag-aaral, guro, magulang, at lipunan sa kasalukuyan. Inirerekomenda na gamitin ang mga akda bilang instrumento sa pagtuturo ng panitikan at magsagawa ng karagdagang pag-aaral sa iba pang akda ni Abueg.
Susing Salita: maikling kwento, pagsusuring kontekstwal, pagpapahalagang Pilipino, panitikang Pilipino, Efren Reyes Abueg
https://zenodo.org/records/21422273