Introduksyon
Ang kulturang Pilipino ay binubuo ng mahahalagang paniniwala at tradisyong humubog sa ating kasaysayan at ipinamana sa atin bilang salamin ng pagka-Pilipino. Kabilang dito ang pakikipagkapwa-tao at bayanihan, na itinuturing na magagandang pag-uugali ng mga Pilipino. Ang pakikipagkapwa ay isang pangunahing pagpapahalaga ng mga Pilipino. Ito ay tumutukoy sa pagkilala sa iba, bilang kapwa-tao at hindi bilang “ibang tao,” kundi bilang “ibang-ako” o shared identity. Ito ang pinakakonsepto ng Sikolohiyang Pilipino na unang pinalalim ni Virgilio Enriquez (1992), kung saan inilarawan niya ang pakikipagkapwa bilang pinakamataas na antas ng interaksiyong panlipunan at pundasyon ng lahat ng ibang pagpapahalagang tulad ng damayan, bayanihan, pakikiramay, pakikisama, at pagbibigayan. Ang damayan ay isang mahalagang pagpapahalagang panlipunan ng mga Pilipino na nakaugat sa pakikipagkapwa-tao at bayanihan. Ito ay kusang pagtutulungan at pakikiisa sa kapwa sa panahon ng pangangailangan, sakuna, o pagdadalamhati. Higit sa simpleng pagtulong, ipinapakita nito ang malasakit, pagkakaisa, at pananagutan sa kabutihang panlahat, na makikita sa iba’t ibang sitwasyon sa buhay ng mga Pilipino.
Matapos ang pagputok ng Bulkang Pinatubo noong 1991, naging mahalagang sandigan ng mga Aeta ang damayan sa pagharap sa pagkawala ng tahanan at kabuhayan. Sa mga relokasyon sa Sitio Kalangitan at Sta. Juliana, Capas, Tarlac, naipakita ang kanilang sama-samang pagkilos sa pagtatayo ng bahay, pagtatanim, at paghahanapbuhay. Ang mga karanasang ito ang nagsisilbing empirikal na batayan sa pagdalumat at pagbuo ng Teorya ng Damayan, na nagpapaliwanag kung paano nagkakaroon ng ugnayan, pagkakaisa, malasakit, at pagtutulungan sa loob ng katutubong pamayanan. Sa kasalukuyang pag-aaral, nakatuon ang pagsusuri sa pamayanang Aeta ng Barangay Bueno, Capas, Tarlac.
Higit pa sa pagtalakay sa damayan bilang konsepto, dinadalumat at binubuo ng pananaliksik na ito ang Teorya ng Damayan bilang maka-Pilipinong balangkas ng ugnayang panlipunan. May mga katutubong lapit na tulad ng pakiramdaman ni Erasga (2015) at pantayong pananaw ni Salazar (1991), ngunit hindi nakatuon ang mga ito sa damayan. Ang mga teoryang tulad ng social exchange theory, communitarianism, at solidarity theory naman ay nagmula sa banyagang balangkas. Kaya mahalagang dalumatin ang damayan bilang teoryang nakaugat sa sariling karanasan, wika, at pananaw ng Pilipino sa kapwa.
Hangarin ng pag-aaral na iposisyon ang Teorya ng Damayan bilang alternatibong balangkas ng ugnayang panlipunan. Hindi lamang pagtulong sa oras ng pangangailangan ang inilalarawan nito. Isa itong sistemang nakabatay sa pag-unawa, malasakit, at pagkakaugnay ng bawat kasapi ng lipunan.
DOI https://zenodo.org/records/24496405