LUNTIAN, Tomo I, Isyu IV (Agosto 2026), Pahina 1-5
LINGGUWISTIKONG PAGSUSURI NG KARANIWANG KAMALIAN SA PAGSULAT NG AKADEMIKONG TEKSTO
Author
Sarah Jane L. Marabe
Osmeña Colleges
LUNTIAN, Tomo I, Isyu IV (Agosto 2026), Pahina 1-5
Author
Sarah Jane L. Marabe
Osmeña Colleges
Abstrak
Sinuri sa pag-aaral na ito ang mga karaniwang kamalian at estrukturang panglingguwistika sa pagsulat ng akademikong sanaysay ng mga mag-aaral sa Baitang 7 sa Filipino. Nakatuon ang pagsusuri sa apat na pangunahing uri ng kamalian: gramatikal, leksikal, mekanikal, at sintaktikal, at sa mga padron ng kamalian na lumitaw sa kanilang mga sulatin batay sa akdang Ibong Adarna.
Gumamit ang pananaliksik ng deskriptibong kwalitatibong disenyo sa ilalim ng balangkas ng Error Analysis ni Corder (1967). Ang mga akademikong sanaysay ng mga piling mag-aaral mula sa Balud South District ay sinuri at inuri ayon sa mga kategorya ng kamalian. Ginamit ang frequency count, percentage, at ranking upang mailahad nang sistematiko ang dalas at antas ng paglitaw ng bawat uri ng kamalian. Ginamit din ang pagsusuring lingguwistiko upang matukoy ang mga padron sa morpolohikal, leksikal, ortograpikal, at sintaktikal na antas.
Natuklasan na may kabuuang 1,808 kamalian sa mga nasuring akademikong sanaysay. Pinakamataas ang kamaliang mekanikal na may 1,121 o 61.6%, sinundan ng sintaktikal na may 316 o 17.6%, leksikal na may 187 o 10.3%, at gramatikal na may 184 o 10.2%. Batay sa mga natukoy na kahinaan, nabuo ang programang interbensiyon na “PANITIK: Landas sa Pagsulat” na nakatuon sa gramatika, bokabularyo, mekaniks, at sintaks.
Ipinakikita ng pag-aaral na ang mga kamalian sa akademikong pagsulat ay may malinaw na padron at magkakaugnay na nakaaapekto sa kalidad ng pagsulat. Inirerekomenda ang sistematikong pagsasanay sa ortograpiya, bantas, gramatika, bokabularyo, pagbuo ng pangungusap, at iba pang kasanayan sa akademikong pagsulat.
Tungkol sa Dyornal ng Pananaliksik:
LUNTIAN: Pambansang Dyornal ng Pananaliksik at Pag-aaral sa Pag-unlad ng Wikang Filipino
ISSN (Print): 3116-5435
ISSN (Online): 3116-5443
Ang LUNTIAN: Pambansang Dyornal ng Pananaliksik at Pag-aaral sa Pag-unlad ng Wikang Filipino ay isang akademikong publikasyon na naglalayong itaguyod at palaganapin ang mas malalim na pag-unawa, pagsusuri, at pagpapayaman sa wikang Filipino. Layunin ng dyornal na maging pangunahing plataporma para sa mga makabuluhang pananaliksik at talakayan ukol sa wika, kultura, at kaunlaran ng ating bayan.
Ang LUNTIAN ay isang peer-reviewed at refereed journal na nangangahulugang ang bawat pananaliksik na inilalathala rito ay dumadaan sa masusing pagsusuri ng mga eksperto sa kani-kanilang larangan upang matiyak ang kalidad, kredibilidad, at kahalagahan ng mga nilalaman nito.
Sa pamamagitan ng LUNTIAN, binibigyang-pugay ang kahalagahan ng wikang Filipino bilang pangunahing daluyan ng kaalaman, pananaliksik, at diskurso sa iba't ibang larangan ng karunungan. Hinihikayat nito ang mga mananaliksik, guro, mag-aaral, at mga propesyonal na magbahagi ng kanilang mga ideya, kaalaman, at natuklasan na makatutulong sa pagpapalago ng wika at kultura.
Ang dyornal na ito ay nagtatampok ng mga pananaliksik na tumutukoy sa mga sumusunod na larangan:
Lingguwistika at Wika
Panitikan at Kultura
Edukasyon at Pedagohiya
Agham Panlipunan at Humanidades
Mga usaping pangkaunlaran sa konteksto ng wikang Filipino
Sa pamamagitan ng LUNTIAN, hangad ng pamunuan nito na makapag-ambag sa patuloy na pagpapaunlad ng wikang Filipino bilang wika ng karunungan, pagkakakilanlan, at pagkakaisa ng sambayanang Pilipino.
LUNTIAN – isang simbolo ng buhay, pag-asa, at patuloy na pag-usbong ng ating wika at kultura.
Publication Ethics and Publication Malpractice Statement