TALAAN NG MGA NILALAMAN:
TALAAN NG MGA NILALAMAN:
LUNTIAN, Tomo I, Isyu IV (Agosto 2026), Pahina 1-5
Author
Sarah Jane L. Marabe
Osmeña Colleges
Abstrak
Sinuri sa pag-aaral na ito ang mga karaniwang kamalian at estrukturang panglingguwistika sa pagsulat ng akademikong sanaysay ng mga mag-aaral sa Baitang 7 sa Filipino. Nakatuon ang pagsusuri sa apat na pangunahing uri ng kamalian: gramatikal, leksikal, mekanikal, at sintaktikal, at sa mga padron ng kamalian na lumitaw sa kanilang mga sulatin batay sa akdang Ibong Adarna.
Gumamit ang pananaliksik ng deskriptibong kwalitatibong disenyo sa ilalim ng balangkas ng Error Analysis ni Corder (1967). Ang mga akademikong sanaysay ng mga piling mag-aaral mula sa Balud South District ay sinuri at inuri ayon sa mga kategorya ng kamalian. Ginamit ang frequency count, percentage, at ranking upang mailahad nang sistematiko ang dalas at antas ng paglitaw ng bawat uri ng kamalian. Ginamit din ang pagsusuring lingguwistiko upang matukoy ang mga padron sa morpolohikal, leksikal, ortograpikal, at sintaktikal na antas.
Natuklasan na may kabuuang 1,808 kamalian sa mga nasuring akademikong sanaysay. Pinakamataas ang kamaliang mekanikal na may 1,121 o 61.6%, sinundan ng sintaktikal na may 316 o 17.6%, leksikal na may 187 o 10.3%, at gramatikal na may 184 o 10.2%. Batay sa mga natukoy na kahinaan, nabuo ang programang interbensiyon na “PANITIK: Landas sa Pagsulat” na nakatuon sa gramatika, bokabularyo, mekaniks, at sintaks.
Ipinakikita ng pag-aaral na ang mga kamalian sa akademikong pagsulat ay may malinaw na padron at magkakaugnay na nakaaapekto sa kalidad ng pagsulat. Inirerekomenda ang sistematikong pagsasanay sa ortograpiya, bantas, gramatika, bokabularyo, pagbuo ng pangungusap, at iba pang kasanayan sa akademikong pagsulat.
LUNTIAN, Tomo I, Isyu IV (Agosto 2026), Pahina 6-10
Author
Cheiryl Guliman Dela Cruz
Osmeña Colleges
Abstrak
Nananatiling mahalagang kasanayan sa pagkatuto at pakikipagtalastasan ang pagsasalita gamit ang Wikang Filipino. Gayunman, may mga mag-aaral na nakararanas ng hamon sa paggamit nito dahil sa mga salik na pang-akademiko, sikolohikal, at sosyal. Bunga nito, isinagawa ang pag-aaral upang matukoy ang mga hamong kinakaharap ng mga mag-aaral sa epektibong paggamit ng Wikang Filipino sa pagsasalita, ang mga epekto ng mga hamong ito, at ang mga paraang kanilang ginagamit upang malinang ang kanilang kakayahan.
Ang pananaliksik ay gumamit ng kwantitatibo at deskriptibong disenyo. Apatnapung (40) mag-aaral sa Ikatlong Taon ng Batsilyer sa Sekondaryang Edukasyon, Medyor sa Filipino, sa Osmeña Colleges sa Taong Panuruan 2025–2026 ang naging kalahok sa pamamagitan ng Total Enumeration Sampling. Ginamit ang talatanungang inangkop mula sa naunang pag-aaral at sinuri ang mga datos gamit ang frequency distribution at weighted average mean.
Natuklasan na ang hamong pang-akademiko ay may composite mean na 2.19, hamong pang-sikolohikal na 2.01, at hamong pang-sosyal na 2.39, na pawang nasa antas na hindi gaanong sumasang-ayon. Sa mga epekto, nakapagtala ng 1.75 para sa pang-akademiko, 1.59 para sa pang-sikolohikal, at 1.90 para sa pang-sosyal. Samantala, ang mga paraan ng mga mag-aaral upang malutas ang kanilang mga hamon ay may composite mean na 2.90 na may interpretasyong sumasang-ayon.
Ipinakikita ng pag-aaral na bagama’t may ilang hamon sa paggamit ng Wikang Filipino sa pagsasalita, hindi ito lubos na nakahahadlang sa akademikong pagganap, emosyonal na kalagayan, at pakikipag-ugnayan ng mga mag-aaral. Kabilang sa madalas nilang ginagawa upang malinang ang kasanayan ang pag-aaral ng mga salitang Filipino, pagsasanay sa pagsasalita, paggamit ng mga kagamitang panturo at online resources, at pagbabasa ng mga akdang Filipino. Inirerekomenda ang pagpapatuloy at pagpapalawak ng mga gawaing nagbibigay ng regular na pagkakataon sa aktuwal na paggamit ng Wikang Filipino.
LUNTIAN, Tomo I, Isyu IV (Agosto 2026), Pahina 11-14
Author
Flordelisa P. Abella
Osmeña Colleges
Abstrak
Layunin ng pag-aaral na ito na masuri ang implementasyon ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program batay sa mga estratehiyang ginagamit ng mga guro at ARAL Tutors, mga suliranin at limitasyong kanilang kinakaharap, at mga rekomendasyong maaaring maging batayan sa pagpapanatili at pagpapabuti ng programa. Gumamit ang pag-aaral ng mixed-method research design. Sa kwantitatibong bahagi, isinagawa ang total enumeration sa 39 ARAL Tutors at 9 na gurong kasangkot sa implementasyon ng programa. Sa kuwalitatibong bahagi, purposive sampling ang ginamit sa pagpili ng 10 kalahok na may sapat na karanasan sa ARAL Reading implementation. Gumamit ng survey questionnaire, bukas na tanong, panayam, at focus group discussion sa pangangalap ng datos. Sinuri ang kwantitatibong datos gamit ang frequency at weighted mean, samantalang thematic analysis ang ginamit sa kuwalitatibong datos. Ipinakita ng mga resulta na mataas ang antas ng paggamit ng iba't ibang estratehiyang panturo, partikular ang paggamit ng kawili-wiling teksto at positibong feedback upang mapataas ang motibasyon at pakikilahok ng mga mag-aaral. Gayunpaman, nananatili ang mga hamon sa kalinawan ng polisiya at proseso, oryentasyon, oras at iskedyul, learning resources, teknolohikal na kagamitan, learner readiness, partisipasyon, at suportang natatanggap ng mga implementers. Batay sa mga natuklasan, mahalaga ang malinaw na polisiya, sapat na resources, tuloy-tuloy na capacity building, sistematikong monitoring and evaluation, at matibay na ugnayan ng paaralan, tahanan, at komunidad upang mapanatili at mapaunlad ang ARAL Program.
Tungkol sa Dyornal ng Pananaliksik:
LUNTIAN: Pambansang Dyornal ng Pananaliksik at Pag-aaral sa Pag-unlad ng Wikang Filipino
ISSN (Print): 3116-5435
ISSN (Online): 3116-5443
Ang LUNTIAN: Pambansang Dyornal ng Pananaliksik at Pag-aaral sa Pag-unlad ng Wikang Filipino ay isang akademikong publikasyon na naglalayong itaguyod at palaganapin ang mas malalim na pag-unawa, pagsusuri, at pagpapayaman sa wikang Filipino. Layunin ng dyornal na maging pangunahing plataporma para sa mga makabuluhang pananaliksik at talakayan ukol sa wika, kultura, at kaunlaran ng ating bayan.
Ang LUNTIAN ay isang peer-reviewed at refereed journal na nangangahulugang ang bawat pananaliksik na inilalathala rito ay dumadaan sa masusing pagsusuri ng mga eksperto sa kani-kanilang larangan upang matiyak ang kalidad, kredibilidad, at kahalagahan ng mga nilalaman nito.
Sa pamamagitan ng LUNTIAN, binibigyang-pugay ang kahalagahan ng wikang Filipino bilang pangunahing daluyan ng kaalaman, pananaliksik, at diskurso sa iba't ibang larangan ng karunungan. Hinihikayat nito ang mga mananaliksik, guro, mag-aaral, at mga propesyonal na magbahagi ng kanilang mga ideya, kaalaman, at natuklasan na makatutulong sa pagpapalago ng wika at kultura.
Ang dyornal na ito ay nagtatampok ng mga pananaliksik na tumutukoy sa mga sumusunod na larangan:
Lingguwistika at Wika
Panitikan at Kultura
Edukasyon at Pedagohiya
Agham Panlipunan at Humanidades
Mga usaping pangkaunlaran sa konteksto ng wikang Filipino
Sa pamamagitan ng LUNTIAN, hangad ng pamunuan nito na makapag-ambag sa patuloy na pagpapaunlad ng wikang Filipino bilang wika ng karunungan, pagkakakilanlan, at pagkakaisa ng sambayanang Pilipino.
LUNTIAN – isang simbolo ng buhay, pag-asa, at patuloy na pag-usbong ng ating wika at kultura.
PUBLICATION GUIDELINES
Publication Ethics and Publication Malpractice Statement
PROCESSING FEES AND INCLUSIONS