TALAAN NG MGA NILALAMAN:
TALAAN NG MGA NILALAMAN:
LUNTIAN, Tomo I, Isyu III (Hulyo 2026), Pahina 1-5
Mennalyn A. Masillam
Western Mindanao State University
https://orcid.org/my-orcid?orcid=0009-0003-7608-9478
ABSTRAK
Sinuri ng pag-aaral na ito ang bisa ng paggamit ng wikang Chavacano bilang wikang panturo sa kasanayang ekspresib sa Filipino ng mga mag-aaral sa piling paaralan sa Lungsod Zamboanga. Gumamit ang pag-aaral ng kwantitatibo-kalitatibong pamamaraan at nilahukan ng siyam na pung (90) mag-aaral sa ikalimang baitang. Upang masukat ang kasanayang ekspresib, ginamit ang serye ng mga larawan mula sa English Expressways bilang batayan sa pagbuo ng salaysay na isinagawa sa paraang pasalita at pasulat. Ginamit ang mean at standard deviation sa pagsusuri ng antas ng kasanayang ekspresib. Batay sa resulta, nakakuha ang mga kalahok ng mean score na 10.374 at standard deviation na 1.129, na may palarawang interpretasyong mahusay. Ipinakikita nito na mahusay ang kasanayang ekspresib sa Filipino ng mga mag-aaral sa parehong pasalita at pasulat na paraan. Batay sa kinalabasan, mabisa ang paggamit ng wikang Chavacano bilang wikang panturo sa paglinang ng kasanayang ekspresib sa Filipino ng mga mag-aaral. Iminumungkahi na ipagpatuloy ang paggamit ng angkop na estratehiya sa pagtuturo ng pagsasalita at pagsulat at magsagawa pa ng iba pang estratehiyang makatutulong sa higit na pagpapaunlad ng kasanayang ekspresib sa Filipino.
Mga Susing Salita: Chavacano, wikang panturo, kasanayang ekspresib, Filipino, unang wika, ikalawang wika
LUNTIAN, Tomo I, Isyu III (Hulyo 2026), Pahina 6-10
Mary Jean A. Apuhin
Associate Professor II, Capiz State University – Burias Campus
ABSTRACT
Sa kasalukuyang panahon, patuloy ang pakikibaka ng mga kababaihan para sa pagkakapantay-pantay, proteksyon, at pagkilala sa kanilang karapatan. Mahalaga, kung gayon, na suriin kung paano inilalarawan ang kababaihan sa kontemporaryong panitikan. Layunin ng pag-aaral na matukoy ang kalagayan ng kababaihan sa sampung piling maikling kuwento ng ika-21 siglo gamit ang feministang pananaw at suriin ang mga ito batay sa paksa, tauhan, diyalogo, at tagpuan. Inugnay rin ang mga natuklasan sa mga batas at probisyong nagpoprotekta sa kababaihan. Gumamit ng deskriptibong pananaliksik at dokumentaryong pagsusuri sa dalawampung piling kuwento, kung saan sampu ang napili batay sa itinakdang inclusion at exclusion criteria. Ang datos ay tinipon mula sa online na publikasyon, pampublikong aklatan, at personal na koleksiyon at sinuri noong Setyembre 20–22, 2024 sa Roxas City. Lumitaw na inilalarawan ang kababaihan bilang ina, asawa, manggagawa, biktima ng karahasan, at tagapagtaguyod ng karapatan. Gayunman, makikita rin ang katatagan, ambisyon, tapang, at paghahangad ng edukasyon at kalayaan. Bilang output, binuo ang “Modelo ni Apuhin para sa Pagtuturo ng Maikling Kuwento na may Feministang Pananaw,” isang gabay para sa mga guro at mag-aaral sa pagsusuri ng representasyon ng kababaihan at pag-uugnay ng panitikan sa mga batas para sa kababaihan.
Keywords: Panunuring Pampanitikan, Feministang Pananaw, Kababaihan
LUNTIAN, Tomo I, Isyu III (Hulyo 2026), Pahina 11-17
Author:
Jesus Gabriel
Techer III – Matatalaib High School
ORCID Profile link: https://orcid.org/my-orcid?orcid=0009-0004-2941-356X
ABSTRAK
Ang pag-aaral na ito ay naglalayong bumuo at mabalideyt ang Isang Modelo sa Pagbuo ng Masusing Pagsulat ng Pormal na Sanaysay bilang kagamitang panturo upang mapaunlad ang kasanayan sa pagsulat ng mga mag-aaral. Gumamit ang pag-aaral ng kuwantitatibong disenyo ng pananaliksik na may bahaging pagbuo at balidasyon ng modelo. Isinagawa ito sa mga mag-aaral ng Matatalaib High School gamit ang pauna at panghuling pagtataya sa pagsulat ng pormal na sanaysay. Ginamit ang iniangkop na pamantayan nina Jacobs et al. (1981) sa pagtataya ng mga sulatin, samantalang ang nabuong modelo ay sumailalim sa balidasyon ng mga eksperto batay sa Nilalaman, Organisasyon, Kalinawan, Kaangkupan, at gamit bilang kagamitang panturo.
Ipinakita ng resulta na nagkaroon ng makabuluhang pagtaas sa kasanayan sa pagsulat ng mga mag-aaral matapos gamitin ang modelo. Nagtamo rin ito ng napakataas na antas ng katanggap-tanggap na nagpapahiwatig na ito ay balido at angkop bilang kagamitang panturo. Batay sa mga natuklasan, napagpasyahan na ang modelo ay mabisang gabay sa pagpapahusay ng organisasyon ng mga ideya, lohikal na pagdaloy ng kaisipan, at masining na pagpapahayag sa pagsulat ng pormal na sanaysay.
LUNTIAN, Tomo I, Isyu III (Hulyo 2026), Pahina 18-25
Melanie E. Antiga
Crescel P. Cabigas
Secondary Teacher 1, Magdugo National High School
Secondary Teacher 2, Pinamungajan National High School
ABSTRAK
Sa makabagong panahon ng teknolohiya, ang mga digital na gadyet tulad ng smartphone, laptop, at tablet ay naging mahalagang bahagi na ng sistema ng edukasyon. Layunin ng kwantitatibong pananaliksik na ito na suriin at matukoy ang mga kalamangan at kahinaan ng paggamit ng cellphone sa akademikong gawi ng mga mag-aaral sa Senior High School. Inaanalisa sa pag-aaral na ito kung paano nakatutulong ang kagamitang ito sa mabilis na pagkuha ng impormasyon, komunikasyon sa mga pangkatang gawain, at pagpapadali ng pagsusumite ng mga proyekto (kalamangan). Sinusuri din ang mga negatibong epekto nito kagaya ng sumusunod: distraksyon sa pag-aaral, adiksyon sa social media at online games, pagbaba ng kalidad ng tulog, at pagbalat kayo sa orihinalidad ng mga gawaing pampaaralan (kahinaan). Ang mga natuklasan ay magsisilbing gabay sa mga mag-aaral, guro, at magulang upang bumuo ng mga estratehiya para sa responsable at balanseng paggamit ng teknolohiya sa pag-aaral. Inirerekomenda ng pananaliksik na ito ang pagkakaroon ng disiplina at time management sa mga mag-aaral, pagpapatupad ng malinaw na alituntunin ng mga guro, pagsubaybay ng mga magulang sa tahanan, at pagpapalawak ng saklaw para sa mga susunod na mananaliksik upang maging kapaki-pakinabang at responsable ang paggamit ng gadyet sa pag-aaral
Keywords: Gadget sa Edukasyon, Senior High School, Kalamangan at Kahinaan, Akademikong Gawi , Teknolohiya, Distraksyon sa Pag-aaral
LUNTIAN, Tomo I, Isyu III (Hulyo 2026), Pahina 26-36
Vyron M. Enriquez
Abstrak
Ang pag-aaral na ito ay nakatuon sa pagtukoy, pagdodokumento, at pagsusuri sa mga terminolohiyang pang-agrikultura na ginagamit ng mga magsasaka sa Pulilan, Bulacan. Layunin nitong mailarawan ang wikang pang-agrikultura ng mga magsasaka mula sa yugto ng pagbibinhi, pagtatanim, pag-aalaga, hanggang sa pag-aani, gayundin ang mga kagamitang ginagamit, bahagi ng halaman at taniman, sustansya, gampanin ng tao sa bukid, at kondisyon ng halaman. Gumamit ang pananaliksik ng kualitatibong disenyo, partikular ang deskriptibong etnograpikong pamamaraan, kuwentuhan, pakikinig, field immersion, audio recording, at field notes. Ang mga kalahok ay pinili sa pamamagitan ng purposive sampling batay sa kanilang aktibong partisipasyon at karanasan sa pagsasaka. Sinuri ang datos gamit ang thematic analysis, semantic field analysis, componential analysis, at pagsusuring morpolohikal at etimolohikal. Batay sa isinagawang leksikal na imbentaryo, natukoy ang 198 terminolohiya na nahahati sa pitong pangunahing kategorya: gawain/proseso/pamamaraan sa bukid, kagamitang pansaka, bahagi ng halaman, bahagi ng taniman, sustansya, tao/gampanin sa bukid, at epekto/kondisyon ng halaman. Pinatutunayan ng pag-aaral na ang wika ng agrikultura sa Pulilan ay mahalagang bahagi ng lokal na identidad, karunungang-bayan, at pagpapayaman ng wikang Filipino.
Keywords: terminolohiyang pang-agrikultura, Pulilan Bulacan, leksikal item, etnolingguwistika, wikang Filipino
LUNTIAN, Tomo I, Isyu III (Hulyo 2026), Pahina 37-44
Bernadette S. Abelong
Teacher III
Mataas na Paaralan ng Marintoc
bernadette.abelong@deped.gov.ph
ABSTRAK
Ang pag-aaral na ito ay naglalayong suriin ang ugnayan sa pagitan ng iba’t ibang estratehiya sa pagtuturo at ang antas ng motibasyon ng mga mag-aaral sa ikapitong baitang ng Mataas na Paaralan ng Marintoc, Distrito ng Timog Mobo, Lalawigan ng Masbate, para sa taong panuruan 2024–2025. Gamit ang deskriptibong-kumparatibong disenyo ng pananaliksik, nilahukan ang pag-aaral na ito ng kabuuang 113 na mag-aaral mula sa apat na seksyon: Jade, Emerald, Pearl, at Diamond. Ang pangunahing instrumento sa pagkalap ng datos ay isang hinalaw at inangkop na talatanungan na nakabatay sa Likert Scale upang masukat ang prekwensya ng paggamit ng mga estratehiya (tradisyunal, interaktibo, at multimedia) at ang antas ng motibasyon (intrinsic at extrinsic) ng mga respondente.
Ginamit ang mga istadistikang pamamaraan tulad ng frequency count, percentage, weighted mean, at Kruskal-Wallis H-test para sa pagsusuri ng datos. Bagama’t may limitasyon ang instrumento sa pormal na ekspertong balidasyon, ang mga pinal na resulta ay nagpapakita ng makabuluhang pagkakaiba sa antas ng motibasyon ng mga mag-aaral batay sa estratehiyang pedagogikal na inilalapat ng guro (H = 55.159, df = 5, p = .000), kung saan mas mataas ang motibasyon sa mga makabago at kolaboratibong estratehiya kumpara sa tradisyunal na lecture-based. Batay dito, iminumungkahi ang patuloy na propesyonal na pagsasanay ng mga guro sa integrasyon ng teknolohiya at pagbuo ng mga kontekstwalisadong estratehiya upang mapanatili ang mataas na antas ng interes at pakikilahok ng mga mag-aaral.
Mga Susing Salita: Estratehiya sa Pagtuturo, Antas ng Motibasyon, Makabagong Teknolohiya, Deskriptibo-Kumparatibo, Kruskal-Wallis.
LUNTIAN, Tomo I, Isyu III (Hulyo 2026), Pahina 45-51
Author
Rene A. Alcaraz
Osmeña Colleges
https://orcid.org/0009-0001-7373-545X
Abstrak
Ang pandemya ay nagdulot ng malawakang pagbabago sa sistema ng pagtuturo-pagkatuto at nagbunsod sa mga paaralan na gumamit ng mga alternatibong paraan upang maipagpatuloy ang edukasyon. Bunga nito, sinuri ng pag-aaral ang mga hamon sa pagtuturo-pagkatuto sa panahon ng pandemya sa Buenasuerte Integrated School (BIS), Pio V. Corpus, Masbate, bilang batayan sa implementasyon ng Alternatibong Paraan ng Paghahatid ng Pagkatuto (ADM).
Gumamit ang pananaliksik ng pinagsamang kwantitatibo at kwalitatibong disenyo. Tatlumpung kalahok ang naging bahagi ng pag-aaral: labinlimang mag-aaral na nag-aral sa BIS noong panahon ng pandemya at labinlimang gurong nagturo sa parehong paaralan. Ginamit ang sarbey na tseklist, panayam, at mga grado ng mga mag-aaral bilang pangunahing pinagkunan ng datos. Sinuri ang mga numerikal na datos sa pamamagitan ng pagbilang, pagraranggo, at weighted mean, samantalang ginamit ang thematic analysis sa mga tugon mula sa panayam.
Natuklasan na Modular Distance Learning (MDL) ang pangunahing paraan ng pagtuturo-pagkatuto na ginamit ng mga kalahok, habang ginamit din ng ilang guro ang Online Distance Learning (ODL) bilang karagdagang suporta. Ang antas ng pagkatuto ng mga mag-aaral sa mga asignatura ay nasa lebel na Satisfactory batay sa mga weighted mean na iniulat sa pag-aaral. Kabilang sa pangunahing suliranin ng mga mag-aaral ang kakulangan sa kasanayang panteknikal, limitadong interaksiyon sa guro, kakulangan sa kagamitan, kabuluhan ng pag-aaral, at pagkamit ng mga kompetensi. Sa mga guro naman, kapansin-pansin ang kakulangan sa kagamitan, limitadong pisikal na interaksiyon, at mga hamon sa kasanayang panteknikal.
Bilang tugon, nabuo ang Modula, isang komprehensibong modyul na idinisenyo upang mapagaan ang pagkatuto, maging malinaw ang mga gawain, at magkaroon ng mas angkop na suportang pampagkatuto sa alternatibong paraan ng paghahatid ng edukasyon.
Tungkol sa Dyornal ng Pananaliksik:
LUNTIAN: Pambansang Dyornal ng Pananaliksik at Pag-aaral sa Pag-unlad ng Wikang Filipino
ISSN (Print): 3116-5435
ISSN (Online): 3116-5443
Ang LUNTIAN: Pambansang Dyornal ng Pananaliksik at Pag-aaral sa Pag-unlad ng Wikang Filipino ay isang akademikong publikasyon na naglalayong itaguyod at palaganapin ang mas malalim na pag-unawa, pagsusuri, at pagpapayaman sa wikang Filipino. Layunin ng dyornal na maging pangunahing plataporma para sa mga makabuluhang pananaliksik at talakayan ukol sa wika, kultura, at kaunlaran ng ating bayan.
Ang LUNTIAN ay isang peer-reviewed at refereed journal na nangangahulugang ang bawat pananaliksik na inilalathala rito ay dumadaan sa masusing pagsusuri ng mga eksperto sa kani-kanilang larangan upang matiyak ang kalidad, kredibilidad, at kahalagahan ng mga nilalaman nito.
Sa pamamagitan ng LUNTIAN, binibigyang-pugay ang kahalagahan ng wikang Filipino bilang pangunahing daluyan ng kaalaman, pananaliksik, at diskurso sa iba't ibang larangan ng karunungan. Hinihikayat nito ang mga mananaliksik, guro, mag-aaral, at mga propesyonal na magbahagi ng kanilang mga ideya, kaalaman, at natuklasan na makatutulong sa pagpapalago ng wika at kultura.
Ang dyornal na ito ay nagtatampok ng mga pananaliksik na tumutukoy sa mga sumusunod na larangan:
Lingguwistika at Wika
Panitikan at Kultura
Edukasyon at Pedagohiya
Agham Panlipunan at Humanidades
Mga usaping pangkaunlaran sa konteksto ng wikang Filipino
Sa pamamagitan ng LUNTIAN, hangad ng pamunuan nito na makapag-ambag sa patuloy na pagpapaunlad ng wikang Filipino bilang wika ng karunungan, pagkakakilanlan, at pagkakaisa ng sambayanang Pilipino.
LUNTIAN – isang simbolo ng buhay, pag-asa, at patuloy na pag-usbong ng ating wika at kultura.
PUBLICATION GUIDELINES
Publication Ethics and Publication Malpractice Statement
PROCESSING FEES AND INCLUSIONS